CARGO COMPANIES NA NAG-ABANDONA NG BALIKBAYAN BOXES, DAPAT MANAGOT!

RAPIDO NI PATRICK TULFO 

HINDI na matapos-tapos ang problema ng Bureau of Customs sa rami ng inaabandonang balikbayan boxes mula sa ibang bansa lalo na sa Middle East.

Ilang taon na ang nakalipas nang tutukan ng Rapido ang mga inabandonang container ng All Win Cargo, CMG at iba pang cargo company na nakabase sa Dubai, UAE. Karamihan nga sa balikbayan boxes ay maayos na na-deliver sa pamamagitan ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP), habang ilan pa rin ang nawawala at hindi na nai-deliver nang mapunta ang ibang container sa nanalong bidder na ABBC (Association of Bidders at the Bureau of Customs).

Sa ngayon, nasa 4 pang cargo company mula sa Saudi, Kuwait at UAE ang hawak naming reklamo dahil pa rin sa pag-abandona ng mga container na ipinadala dito sa Pilipinas, at kasalukuyang nasa Bureau of Customs.

Walang magawa ang deconsolidators dito sa bansa (na siyang nakatakdang mag-deliver sa mga balikbayan box) dahil hindi sila binayaran ng mga nagpadalang cargo company na nasa ibang bansa.

Dapat ay magsagawa ng batas ang Kongreso at Senado na magpoprotekta sa interest ng ating mga OFW, na itinuturing nating mga bagong bayani.

Dapat ay magtalaga ang ating mga mambabatas ng direktiba at alituntunin na dapat sundin ng mga cargo company na nagnanais na magpasok ng mga container sa bansa. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ng mga ito na abandonahin ang kanilang ipadadalang mga kargamento. Sa ganitong paraan ay madaling malaman kung ang kumpanyang magpapadala ay lehitimo at may pambayad ng mga dapat bayaran dito sa bansa tulad ng demurrage fee.

Kawawa rin ang deconsolidators o ang mga kumpanyang sasalo ng mga container dito sa bansa dahil hindi naman nila kasalanan kung abandonahin ng nagpadalang mga cargo company ang kanilang mga container.

Ganoon lang kadali sa mga cargo company na ito na abandonahin ang mga balikbayan box na pinaghirapang punuin ng mga OFW, matapos na kunin ang kanilang bayad sa pagpapadala. Malinaw na pang-iiskam ito sa mga OFW.

Kaya’t nakapagtatakang wala pa ring kibo dito ang ating mga mambabatas.

Kailangang managot at makasuhan ang mga kumpanyang nang-iskam sa mga OFW, sa pamamagitan ng paggawa ng batas na makasuhan at mapa-deport sa bansa ang mga nag-abandona ng mga balikbayan box. Lalo na’t mga Filipino rin ang may-ari ng mga cargo company na ito na nang-iiscam sa kapwa nila Pinoy.

234

Related posts

Leave a Comment