GAGANDA NA KAYA KALIDAD NG EDUKASYON?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

‘YAN ang tanong ngayon matapos magbitiw ang kalihim ng Edukasyon kahapon.

Inihain ni Vice President Sara Duterte sa Malakanyang ang kanyang pagbibitiw sa Gabinete na hindi naman nilinaw kung anong dahilan. Basta hindi raw iyon dahil sa kahinaan.

Matagal nang pinagbibitiw si Duterte sa DepEd dahil wala naman pagbabago at tila wala rin daw itong malinaw na solusyon sa mga suliranin sa edukasyon. Katunayan, kahapon ay mas marami ata ang nagbunyi dahil ‘long overdue’ na nga raw ang pagbibitiw ni Inday.

Ngayong bakante ang posisyon, hiling ng mga nasa sektor ng edukasyon na maging maayos ang pagpili ni Pangulong Marcos Jr. sa papalit kay Duterte. ‘Wag naman daw sanang dahil sa utang na loob para naman makakita na ng pagbabago at mapabuti ang edukasyon sa Pilipinas.

Ito nga at ang pinakabagong hamon ay nangangailangan ng mas malalim na pag-unawa at pagpapabuti sa kakayahan ng mga mag-aaral sa malikhaing pag-iisip.

Paano naman, nangamote ang mga estudyanteng Pinoy sa pinakahuling Creative Thinking Assessment ng Program for International Student Assessment (PISA) na ginawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).

Pumangalawa ang Pilipinas sa nasabing assessment sa pinakamababang mean score sa Creative Thinking Assessment na may score na 14, kasama ang Uzbekistan, ngunit mas mataas kaysa sa Albania na pinakamababa naman sa lahat ng bansang sumali sa pagsusuri.

Ang score ng Pilipinas ay mas mababa kaysa mean score na 33, na Economic Cooperation and Development (OECD) average.

Mas mababa rin ang ranking ng Pilipinas kumpara sa PISA average pagdating sa performance ng creative thinking ng mga babae at lalaki, kung saan ang mga babae ay may mean score na 16 at ang mga lalaki naman ay may score na 12.

Teka, hindi kaya may kinalaman din ang kawalan na ng interes partikular ng mga kabataan ngayon sa pagbabasa?

Sa survey kasi na kinomisyon ng National Book Development Board (NBDB) at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), mas kakaunti na Pilipino na lamang ang nagbabasa.

Nasa 42% ng mga respondent na lamang ang nagsabing nagbabasa sila bilang libangan. Bumaba ito ng 12 punto mula sa 54% noong 2012.

Kakaunti na lamang ang interesado sa pagbabasa dahil sa umano’y mas enjoy na ang tao sa ibang nakalilibang na mga aktibidad na higit na nakakaakit sa kanila. Kaya nawawalan na rin sila ng panahon na magbasa.

‘Yan lang ba ang dahilan?

Sabagay, ang paglaganap ng mga video sa internet ay maaaring isa sa mga dahilan dahil mas nakatutok dito ang iba sa dahilan nakaka-enjoy ang panonood.

Natutuwa kumbaga dahil higit na binibigyang halaga ang entertainment value kaysa kaalaman nakukuha sa pagbabasa.

Hindi natin sinasabi na hindi naghahatid ng kaalaman ang mga napapanood sa social media. Kaso iba pa rin ang nagbabasa ng mga libro at ibang reading materials.

Dapat makialam ang pamahalaan sa isyung ito nang manumbalik ang interes ng publiko sa pagbabasa.

Buhayin ang hilig ng mga tao sa mga library, na sa ibang lugar ay parang tindahan na matumal ang benta.

Ayon kay NBDB executive director Charisse Aquino-Tugade, mayroon silang flagship projects na maaaring magpataas ng bilang ng mga nagbabasa.

Ang isa ay ang Book Nook project na naglalayong makalikha ng “network of reading and storytelling centers sa malalayo at remote na lugar ng katutubo, at ang isa ay ang Philippine Book Festival.

Dapat isagad ang mga planong ito nang maganyak ang publiko na ibalik ang interes sa pagbabasa.

Kailangan talaga ang mekanismo na mag-uudyok sa mga tao na magbasa, kasabay ng pagkakaroon ng kapaligiran na kaaya-aya at umeengganyo ng interes sa pagbabasa.

Sana nga maisagawa ang mga planong ito.

Sabagay, kahit bumaba ang bilang ng mga nagbabasa ay hindi naman nabawasan ang pakonswelo at pakwela ng mga Pinoy. Ang ibinaba ng bilang ng nagbabasa ay ibawi na lang daw sa tumataas na bilang ng mga overweight at obese na adult Filipinos.

Buhay Pinoy nga naman. Nagagawa pa ring tumawa at magpakwela sa gitna ng hirap, peligro at problema.

164

Related posts

Leave a Comment