ITO ang naging sagot ng pamunuan ng Philippine National Police sa ginawang implementasyon sa pagkumpiska sa mga mamahaling sasakyan ni dating Congressman Zaldy Co na nauugnay sa multi-billion infrastructure at flood control project scandal.
Ayon kay Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng isang legal na kautusan na mula sa mga awtoridad na siyang sinunod at tinugunan lamang ng pambansang pulis.
“The operation was in compliance with an order from proper authorities. We want to assure the public that all actions of the Philippine National Police are legal and in accordance with the law,” ani Gen. Nartatez Jr.
Iginiit ni Nartatez na dumaan sa tama at legal na proseso ang pagkumpiska ng mga awtoridad sa luxury cars na kasalukuyang iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sinunod umano ng mga awtoridad ang proseso na siyang nakabatay sa valid at mga umiiral na batas para matiyak na ang ikinakasang mga operasyon ay isinasagawa nang may transparency, paggalang sa due process at maging sa mga karapatan ng mga sangkot.
Kabilang sa nakumpiskang mga sasakyan ng dating mambabatas ay ang high-end models gaya ng Rolls-Royce, at Toyota Sequoia.
Inihayag din ng PNP na ito ay bahagi ng kanilang pagsuporta at partisipasyon sa inisyatibo ng pamahalaan laban sa korupsyon at usapin ng flood control projects.
“From the start, we have already committed to provide assistance in the investigation and enforcement of all legal orders in relation to the flood control issue. The involvement of your PNP in the operation was part of that commitment,” sabi pa ni Nartatez.
Samantala, sinisiguro rin ni Nartatez, na mananatiling aktibo ang buong hanay ng Pambansang Pulisya para patuloy na matukoy at tuluyan nang madakip ang lahat ng mga personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control scandal.
(JESSE RUIZ)
34
