CLAIRE CASTRO VS IMEE MARCOS MULING NAGSAGUTAN SA ISYU NG MGA GURO

MULING nagbanggaan sina Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro at Senator Imee Marcos, matapos batikusin ng senador ang naunang pahayag ng opisyal tungkol sa mga guro at moralidad.

Sa isang video statement na inilabas sa kanyang social media account, pinuna ni Imee ang umano’y pagsisi sa mga guro kasunod ng naging pahayag ni Castro na may ilang guro na hindi magandang ehemplo sa kanilang mga estudyante.

“Ano ba naman sila, bakit naman sisisihin ang mga hamak na teacher, samantalang yung isang guro, siya pa nga ang pinupuntirya? Muntik-muntikan na nga, sinwertehan na lang,” ani Imee.

“Ano naman ang malay ng mga teacher, pambihira naman,” dagdag pa ng senador.

Nauna nang nilinaw ni Castro ang kanyang pahayag at iginiit na hindi niya sinisisi ang mga guro, kaya wala rin umano siyang dahilan upang humingi ng paumanhin.

Bilang tugon sa pahayag ni Imee, sinabi ni Castro na dapat munang panoorin ng senador ang buong press conference upang maunawaan ang konteksto ng kanyang sinabi.

“Kailangan po talaga natin ipakalat ang kahalagahan ng critical thinking. Matutong makinig at intindihin ang mga sinabi ko. Panuorin muna ang buong briefing bago sumawsaw sa isyu,” ani Castro.

“Huwag basta sumunod lamang sa ginawang script ng director or staff niya dahil mapapahamak siya,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Castro na hindi angkop para sa isang senador ang naging pahayag ni Imee.

“Hindi dapat sa isang senador nagsisimula ang pagpapakita ng kawalang-modo o kagaspangan ng ugali. Mga salitang walang idinudulot kundi paninira sa kapwa,” ani Castro.

Hinamon din niya si Imee na unahin umanong turuan ng kagandahang-asal ang mga kaalyado nito bago punahin ang iba.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpalitan ng maaanghang na pahayag sina Castro at Imee.

(CHRISTIAN DALE)

66

Related posts

Leave a Comment