MAS marami pang kakaibang pangalan ang lumitaw sa mga acknowledgment receipt para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), habang binusisi ng prosekusyon ng Kamara kung personal na matitiyak ng dating Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta na aktwal na nakatanggap ng pera ang mga indibidwal na nakalista sa mga dokumento.
Kabilang sa mga pangalang nasa mga resibong ipinrisinta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sina “Antonio Pagong,” “Timon Andrew Pusa,” “Don Piang,” “Shane Ngitngit” at “Xuniso P. Belat.”
Makikita sa mga resibo ang mga halagang mula P100,000 hanggang P250,000 para sa mga gastusin tulad ng pagbili ng impormasyon at pag-upa ng mga sasakyan.
Nang tanungin ni Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan si Acosta kung personal niyang nakita si Col. Raymund Dante Lachica na ibinigay ang pera kay Antonio Pagong, sinabi niyang hindi niya ito nasaksihan.
“I didn’t see him, Your Honor, because I wasn’t on the ground. He was the one who implemented it, Your Honor,” pahayag ni Acosta.
Ang mga bagong pangalan ay dagdag sa mga nauna nang kontrobersiyal na pangalan gaya ni “Mary Grace Piattos,” na naging sentro ng mga naunang pagdinig sa Kamara matapos kwestyunin ng mga mambabatas ang tunay nitong pagkatao.
Hindi naman napatunayan sa pagdinig kung ang mga pangalang Pagong, Pusa, Piang, Ngitngit at Belat ay mga tunay o kathang-isip na tao.
Sa kanyang testimonya, inamin ni Acosta na wala siyang personal na kaalaman kung ang perang dinisburse niya kay OVP Security Officer Col. Raymund Dante Lachica ay aktuwal na natanggap ng mga indibidwal na nakalista sa mga acknowledgment receipt.
Direktang tinanong siya ng Presiding Officer ng Impeachment Court na si Senate President Francis “Chiz” Escudero tungkol dito.
“You have no personal knowledge that the money was actually given to those people or actually spent on supplies?” tanong ni Escudero.
“None, Your Honor,” tugon ni Acosta.
Ayon kay Acosta, umasa lamang siya kay Lachica, na itinalaga ni Duterte upang magpatupad ng mga confidential activities ng OVP, gayundin sa mga dokumentong isinumite nito bilang liquidation o accounting sa mga nagastos.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis, ibinunyag din ng prosekusyon na ginamit din umano noon sa Davao City ang parehong sistema sa paghawak ng confidential funds noong alkalde pa si Duterte.
Ayon kay Ligutan, umabot sa P460 milyon kada taon ang confidential funds ng Davao City mula 2019 hanggang 2022, o kabuuang P1.84 bilyon sa loob ng apat na taon.
(TINA MENDOZA)
46 