ITINUTULAK ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) ang pagsusuri sa mga epektibong modelo ng asynchronous learning upang matugunan ang learning gaps na dulot ng madalas na suspensyon ng klase dahil sa masamang panahon.
Sinabi ni EDCOM2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee na batay sa pag-aaral ng komisyon, umaabot sa 30 hanggang 50 araw ng 180-day school year ang nawawala sa nakalipas na dalawang taon dahil sa class suspensions.
Dahil dito, nahihirapan umanong habulin ng mga mag-aaral ang mga araling dapat nilang matutuhan sa loob ng isang quarter.
“Nakita natin sa nakaraang dalawang taon, minsan 30, 40, 50 days ang nawawala sa isang school year. Paano mo matutunan ‘yung lahat ng leksyon sa isang buong quarter? Kahit habulin natin ‘yun, hindi natin kayang habulin ‘yun ng bigla-bigla,” ani Yee.
Binigyang-diin niya na hindi sapat ang biglaang paghabol sa mga naantalang aralin dahil kailangang isaalang-alang ang oras at kapasidad ng mga guro at estudyante.
“Dapat may monitoring and evaluation ang DepEd [kung] anong mga asynchronous models ang gumagana o hindi, para ‘yung mga hindi, itigil ‘yun at ‘yung mga gumagana, ‘yun ‘yung palawakin,” ani Yee.
Kaya nais ng EDCOM2 na masuri ang mga asynchronous learning model na maaaring gamitin upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit walang face-to-face classes.
Layunin nitong mabawasan ang learning gaps at matiyak na hindi tuluyang mawawala ang mahahalagang araw ng pagkatuto ng mga estudyante dahil sa class suspensions.
Gayunman, sinabi ni Yee na ang face-to-face classes pa rin ang “best way” para matuto ang mga estudyante, lalo na sa kindergarten at basic education, kung kailan mahalagang matutuhan ang pagbabasa at pagsusulat.
Iminungkahi rin niya ang mas malawak na konsultasyon sa mga kinauukulang ahensya para makabuo ng mas epektibong class suspension policy.
“While the safety of the children is extremely important and is paramount, we need to save learning days kung kaya natin,” ani Yee.
Iminungkahi rin niya ang mas granular na pagpapatupad ng suspensyon ng klase sa halip na blanket suspension sa buong lalawigan o rehiyon.
“Kung puwedeng granular ‘yung suspension para kung may mga probinsya kung saan hindi lahat ng munisipyo naapektuhan ng baha at ulan, baka pwedeng tumuloy sila sa pag-aaral. Hindi ‘yung blanket lagi ‘yung suspension natin,” dagdag ni Yee.
(CHRISTIAN DALE)
95 