KINUMPIRMA ng Commission on Appointments (CA) nitong Lunes, Nobyembre 23, 2026, ang ad interim appointment ni Douglas Michael Mallillin bilang bagong chairman ng Commission on Audit (COA).
Nakuha ni Mallillin ang pag-apruba ng makapangyarihang CA sa kabila ng naunang pagtutol ni Senador Imee Marcos sa antas ng komite.
Gayunman, binawi rin kalaunan ni Marcos ang kanyang mosyon na ipagpaliban ang kumpirmasyon sa appointment ni Mallillin matapos hilingin ng iba pang miyembro ng CA na ikonsidera ang pangangailangang makumpleto ang pamunuan ng COA.
Papalitan ni Mallillin si dating COA Chairman Gamaliel Cordoba, na itinalagang Associate Justice ng Korte Suprema. Tatapusin niya ang natitirang termino ni Cordoba na magtatapos sa Pebrero 2, 2029.
Sinuportahan naman ni Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro ang pagkumpirma kay Mallillin at nagpahayag ng tiwala sa kakayahan nitong pamunuan ang ahensya.
Ayon kay Teodoro, nanguna si Mallillin sa 1986 Certified Public Accountant (CPA) Licensure Examination at naipasa rin ang Bar Examination makalipas ang isang dekada.
Binigyang-diin ni Teodoro na bihira ang isang lingkod-bayan na may kahusayan kapwa sa larangan ng batas at accounting.
Bilang dating lokal na punong ehekutibo, sinabi ni Teodoro na personal niyang nasaksihan ang mahahalagang tungkulin ng COA sa pagsusuri at pagtiyak sa wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Naniniwala siya na taglay ni Mallillin ang kinakailangang kakayahan, kalayaan sa pagpapasya at integridad upang gampanan ang tungkulin bilang pinuno ng komisyon.
(DANNY BACOLOD)
27 