CHINESE NATIONAL NASAWI HABANG NAKAPIIT SA BI WARDEN FACILITY?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY nakarating na impormasyon sa PUNA, na isang Chinese national ang nasawi habang nakapiit sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Muntinlupa City, bago pa isagawa ang ASEAN Summit sa ating bansa na pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Batay sa impormasyon, hindi nakayanan ng Chinese national na ito ang hirap sa loob ng piitan ng ahensya kaya inatake siya sa puso. Dinala raw sa isang ospital sa Muntinlupa City ang dayuhan subalit nalagutan na ito ng hininga habang papunta pa lang sa pagamutan.

Ang Chinese national ay isa sa mga hinuli ng BI sa isang pagawaan ng bakal sa Davao City kamakailan, sa kakulangan ng working permits dahilan upang ito ay makulong habang hinihintay ang kanyang deportasyon pabalik sa kanilang bansa.

Ayon pa sa impormasyon, itinago umano sa publiko at maging sa mga kaanak ng biktima ang nangyari sa kanya. Dahil dito, dismayado ang mga kamag-anak ng Chinese national sa pangyayari partikular sa pangasiwaan ng kulungan na para sa mga dayuhan. May lamat pa man din ang relasyon ng Pilipinas at ng China sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Nauna nang ibinulgar ng isang dating Russian vlogger na napiit din sa BI facility na ito, ang kanyang personal na karanasan sa kalupitan ng mga namumuno sa bilangguan na ito. Isiniwalat din niya ang VIP treatment sa high-profile inmates na nagbabayad ng malaking halaga upang maging maganda ang kanilang pamumuhay sa loob ng piitan. Ibig sabihin ay bossing ka pala sa kulungan na ‘yan kapag may pera ka? Pati ba naman mga kulungan ay pinagkakakitaan pa?

Hindi kaya alam ito ni Tukayo BI Commissioner Joel Viado? Ibulong natin ito sa kanya, Sir, ayan po paki-check at pakihambalos ang mga tauhan na pinagkakakitaan ang mga dayuhan na nakakulong, kayo po ang masisira niyan, command responsibility n’yo po ‘yan, sir.

May VIP treatment din po na nangyayari sa high-profile inmates sa inyong pasilidad, Commissioner. Siyempre, kung may VIP Treatment riyan ay malaki ang bigayan n’yan, imposibleng hindi alam ‘yan ng namumuno sa bilangguan na ‘yan.

oOo

Kung sa BI Warden Facility ay may VIP treatment, sa BI Warden Facility sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Male Dormitory sa Payatas, Quezon City ay may nag-aastang hari? Kamakailan, pumutok ang isyu sa personal na alalay ni dating House Speaker Martin Romualdez sa loob ng kulungan, na pinuna ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Kinuwestiyon ni Ombudsman Remulla ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology kung bakit pinayagang magkaroon ng personal na alalay mula sa labas si Romualdez habang nakapiit sa BJMP Male Dormitory. Dahil sa pangyayari ay pinaiimbestigahan ito.

Ang BJMP ay nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang kalihim ay si Sec. Jonvic Remulla, na nakababatang kapatid ni Ombudsman Boying Remulla.

Pati ba naman sa kulungan ay iba pa rin ang pagtrato sa mayaman at mahirap, iba talaga ang nagagawa ng tao na may pera, pati ang mga nangangasiwa at tagabantay nila sa kulungan ay nagiging mabait sa kanila.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-text sa cell# 0977-751-1840 at mag-email sa operarioj45gmail.com.

37

Related posts

Leave a Comment