NAGHAIN si Senator Mark A. Villar ng panukalang batas na naglalayong pigilan ang mapanlinlang na paggamit ng artificial intelligence (AI), partikular ang paglikha at pagpapakalat ng deepfake na maaaring gamitin sa panloloko, pagnanakaw ng pagkakakilanlan at pananamantala sa mga Pilipino.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2620 o Kontra Malisyosong AI Act, isinusulong ni Villar ang regulasyon sa paglikha, pagsisiwalat at pagpapakalat ng mga larawan, video at iba pang media content na ginawa o binago gamit ang AI.
Partikular na tinututukan ng panukala ang mga deepfake na gumagamit nang walang pahintulot sa mukha, boses, itsura at iba pang personal na katangian ng isang indibidwal.
Binigyang-diin ni Villar, na pangunahing may-akda rin ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na lalong lumalaki ang banta ng mga cybercrime dahil sa kakayahan ng AI na lumikha ng kapani-paniwalang pekeng larawan, video at voice recording.
Maaari umanong gamitin ang mga ito upang magpanggap na kamag-anak, opisyal ng pamahalaan, business executive at iba pang pinagkakatiwalaang indibidwal para sa financial scams, phishing, identity theft, panliligalig at paninirang-puri, gayundin sa pagpapakalat ng malaswa o seksuwal na content nang walang pahintulot.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukala ang obligadong paglalagay ng malinaw na abiso sa mga content na ginawa o binago gamit ang AI bago ipamahagi sa publiko.
Kinakailangang lagyan ng pasalita at nakasulat na babala ang audiovisual materials, habang dapat may pasalitang abiso ang audio-only content at malinaw na babala naman sa visual-only materials.
Inaatasan din ng panukala ang pagkuha ng paunang nakasulat o digital na pahintulot bago lumikha o magpakalat ng deepfake na naglalarawan sa isang totoong tao kung may makatwirang posibilidad na magdulot ito ng pinsala, panlilinlang, pananakot, panliligalig o pagsasamantala.
Saklaw nito ang paggamit ng deepfake sa mga patalastas, komersiyal na materyales, pag-eendorso ng produkto, sekswal at pornograpikong content, pampulitikang layunin at iba pang mapanlinlang na gawain.
Upang mabigyan ng agarang remedyo ang mga biktima, inaatasan din ang mga digital platform na nagpapatakbo ng negosyo sa Pilipinas na magkaroon ng madaling ma-access na mekanismo para sa pagsusumite ng reklamo.
Sa ilalim ng panukala, kailangang alisin o harangin ng mga platform ang access sa iniulat na lumalabag na content sa loob ng 24 oras mula nang matanggap ang reklamo mula sa taong inilalarawan o ginagaya, o sa kanyang magulang o tagapag-alaga kung menor de edad ang biktima.
Maaari ring hilingin ng mga biktima ang pagtanggal sa mga duplicate, mirror copy at muling pag-upload ng naturang content, gayundin ang paghahain ng kaso para sa aktuwal, moral o exemplary damages at paghingi ng injunctive relief.
Nagtatakda rin ang panukala ng multang P200,000 hanggang P300,000 sa mga indibidwal na hindi susunod sa mga kinakailangang disclosure o sadyang mag-aalis at manghihimasok sa mga obligadong abiso.
Ang malisyosong paglikha o pagpapakalat ng deepfake nang walang kinakailangang pahintulot ay maaaring parusahan ng dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong at multang P250,000 hanggang P500,000, o kapwa parusa.
Kung menor de edad ang biktima, tataas ang parusa sa walo hanggang 12 taong pagkakakulong at multang P500,000 hanggang P1 milyon.
Maaari namang pagmultahin ng P200,000 sa unang paglabag at P300,000 sa bawat susunod na paglabag ang mga digital platform na hindi susunod sa 24-oras na takdang panahon sa pagtanggal ng ipinagbabawal na content.
Binigyang-diin ni Villar na hindi layunin ng panukala na hadlangan ang pag-unlad ng teknolohiya kundi tiyaking may pananagutan ang paggamit ng AI at napoprotektahan ang seguridad, dignidad at karapatan ng bawat Pilipino.
Kasabay nito, hinimok niya ang publiko na maging mapanuri sa mga nakikita at ibinabahaging impormasyon sa internet at tiyaking beripikado ang mga ito bago ipakalat.
(DANNY BACOLOD)
23 