At Your Service ni KA FRANCIS
HINDI lamang palamuti sa Kapaskuhan ang parol na sumisimbolo sa pananampalataya, pag-asa at pagkakaisa ng mga Pilipino. Sa likod ng bawat bituin ay may kuwentong sumasalamin sa talento, sipag at malikhaing pag-iisip ng kabataang Pilipino.
Kaya naman magandang hakbang ang muling pagsasagawa ng ikalimang taon ng “Isang Bituin, Isang Mithiin: National Parol-Making Competition” sa Palasyo ng Malacañang, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral mula sa pampublikong paaralan na maipakita ang kanilang kakayahan.
Sa temang “Kabataang Pilipino: Tanglaw ng Pag-asa,” umabot sa 115 ang mga lahok mula sa iba’t ibang Schools Division Office sa bansa. Hindi lamang pagandahan ng parol ang layunin ng paligsahan kundi pagpapakita rin ng pagkakakilanlang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong materyales, recycled na bagay at lokal na produkto.
Kapuri-puri rin ang pagsasama ng mga ilaw na matipid sa enerhiya, na nagpapakita na maaaring pagsamahin ang tradisyon, sining at pangangalaga sa kalikasan.
Gayunman, higit sa kompetisyon at mga premyong nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon, ang tunay na halaga ng ganitong programa. Isa itong pagkakataon upang mabigyan ng pagkilala ang mga kabataang may talento na maaaring hindi nabibigyan ng sapat na espasyo upang maipakita ang kanilang kakayahan.
Sa panahong maraming kabataan ang nahaharap sa hamon ng kahirapan, kakulangan sa oportunidad at problema sa edukasyon, mahalagang magkaroon ng mga programang magbibigay sa kanila ng inspirasyon at motibasyong magsikap.
Ngunit hindi dapat matapos sa paligsahan at pagbibigay ng mga parangal ang suporta sa kabataang Pilipino. Ang mga pondong inilaan sa kompetisyon ay magandang simula, subalit higit na mahalaga kung masusundan ito ng tuloy-tuloy na programa para sa pagpapaunlad ng sining, kultura, teknolohiya at iba pang kakayahan ng mga mag-aaral.
Dapat ding tiyakin na hindi lamang ang mga nagwagi ang mabibigyan ng pagkakataong umunlad, kundi pati ang iba pang kabataang nagpakita ng talento at dedikasyon. Ang pagkilala ay mahalaga, ngunit ang pangmatagalang oportunidad ang tunay na magbibigay ng pagbabago sa kanilang kinabukasan.
Ang bawat parol na sisindihan sa Malacañang at The Mansion sa Baguio City ngayong Kapaskuhan, ay dapat magsilbing paalala na ang tunay na liwanag ng bansa ay nagmumula rin sa kakayahan at pangarap ng susunod na henerasyon. Hindi sapat na tawagin nating pag-asa ng bayan ang mga kabataan kung hindi naman natin sila bibigyan ng pagkakataong matuto, lumikha at mamuno.
Ang hamon ngayon sa pamahalaan, paaralan at lipunan ay kung paano mapananatiling nagniningning ang liwanag na ipinakita ng mga kabataang ito. Sapagkat ang isang bansang tunay na naniniwala sa kinabukasan ay hindi lamang nagpapailaw ng mga parol tuwing Pasko, kundi patuloy na nagbibigay-liwanag sa mga pangarap ng kabataan sa buong taon.
oOo
Samantala, salamat sa pamunuan ng JOECHEM ENVIRONMENTAL CORPORATION, isang transporter at treater na nakabase sa Capas, Tarlac, sa pangunguna ni Kuya President Jose Marie Bengotchea, sa walang humpay na tulong at suporta na ibinibigay sa mga negosyante gaya na lamang ng FC SCRAP TRADING. Kudos sayo kuya President/Chief Executive Officer! Nawa’y Pagpalain ka ng ama sa iyong mga kabutihan.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
27 