‘COKE’ KUMPISKADO SA DAYUHANG KANO

TODO tanggi ang isang dayuhan matapos dakpin ng mga alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) makaraang mabistong kargado ng milyon-milyong pisong halaga ng ipinagbabawal na gamot ang bagaheng bitbit sa paglapag ng sinakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa kalatas ng BOC-NAIA, timbog sa tulong ng isang impormante ang American national na si Stephen Joseph Szuhar nang makuhaan ng mga opera­tiba mula sa tanggapan ng BOC sa naturang paliparan, mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Task Group ang suspek ng tinatayang P19.6 milyong halaga ng drogang cocaine ang bitbit na bagahe sa naturang paliparan.

Batay sa imbestigasyon, una nang inabangan ng mga operatiba ang eroplanong pagmamay-ari ng Qatar Airways na bumiyahe mula sa Brazil via Doha (Qatar) patungo sa Pilipinas. Pagdating sa NAIA Terminal 3, agad na sinalubong ang 75-anyos na dayuhang mula pa sa Tampa, Florida (USA) para humarap habang sinusuri ang laman ng kanyang bagahe.

Nang isailalim gamit ang airport X-ray scanner at K9 sweeping dogs ng PDEA, nakita ang kahina-hinalang imaheng hudyat para tulu­yan nang buksan ang bagahe ng Amerikanong dayuhan. Dito na tumambad ang 3.7 kilo ng cocaine.

Mariing pinabulaanan ng suspek na kanya ang naturang kontrabando, kasabay ng giit na posibleng isiningit lamang ang nakuhang droga sa kanyang bagahe. Aniya pa, hindi niya kailangan pumasok sa kalakalan ng droga dahil sa laki ng kanyang kayamanan sa Estados Unidos.

Sa pagsusuri ng DEA, lumabas na positibong droga ang bitbit ng suspek na agad namang dinakip at nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dange­rous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Patuloy naman ang imbestigasyon ng BOC-PDEA sa hangaring matukoy at panagutin ang mga miyembro ng sindikato sa likod ng malawakang drug smuggling sa bansa.

Samantala, nanindigan naman ni BOC-NAIA district collector Carmelita Talusan sa kanilang mas mahigpit na pagsusuri ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento, batay na rin sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.             (BOY ANACTA)

163

Related posts

Leave a Comment