SUPORTADO ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga panukalang palakasin ang transparency at public scrutiny sa proseso ng pambansang badyet, at iginiit na karapatan ng mga Pilipino na malaman kung paano inilalaan at ginagastos ang pondo ng bayan.
Sinabi ni Dy nitong Huwebes na bukas ang House of Representatives sa pagsisiwalat ng mga supporting documents ng mga proyekto ng pamahalaan, pagpapalawak ng access ng publiko sa mga deliberasyon sa badyet at pakikipagtulungan sa civil society organizations upang mapalakas ang public oversight.
Ayon sa Speaker, dapat malaman ng taumbayan kung saan napupunta ang kanilang pera, sino ang nagpanukala ng mga proyekto, bakit kailangan ang mga ito at sino ang makikinabang.
Malugod din niyang tinanggap ang mga panukalang gawing mas transparent ang congressional budget amendments, bigyan ang publiko ng pagkakataong beripikahin ang mga proyekto at gawing mas bukas ang deliberations ng bicameral conference committee.
Kabilang din sa mga suportadong reporma ang mas mahigpit na pagsusuri sa mga badyet ng mga tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang Kongreso, at pagpapadali sa pagkuha ng government assistance batay sa pangangailangan sa halip na political connections.
Sinabi ni Dy na handa ang Kamara na makipagtulungan sa Senado, mga ahensya ng ehekutibo at civil society organizations upang matiyak na napupunta ang pondo sa mga pangunahing pangangailangan ng bansa, kabilang ang food security, healthcare, education, employment, infrastructure at paghahanda sa El Niño.
Gayunman, iginiit ng Speaker na hindi dapat awtomatikong ituring na katiwalian ang mga lehitimong congressional amendments sa pambansang badyet.
Ipinaliwanag niyang bahagi ng tungkulin ng mga mambabatas ang katawanin ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at magpanukala ng mga proyektong tutugon sa kakulangan sa development sa kani-kanilang distrito.
Binigyang-diin ni Dy na ang mahalaga ay maayos ang mga proyekto, kumpleto ang dokumentasyon at tunay na napapakinabangan ng publiko.
Tiniyak din niyang dapat pairalin ang transparency at accountability sa lahat ng institusyon ng pamahalaan, kabilang ang House of Representatives.
“Walang dapat itago kung walang ginagawang mali. At walang dapat katakutan kung ang layunin ay maglingkod nang tapat,” ani Dy.
“Ang badyet ay pera ng taumbayan. Karapatan nilang malaman kung paano ito ginagastos,” dagdag niya.
(TINA MENDOZA)
93 