Mon Tulfo kumambyo BJMP PINAGPALIWANAG SA ‘PAGLABAS-MASOK’ NI ROMUALDEZ

INATASAN ng Sandiganbayan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na panatilihin at pangalagaan ang lahat ng CCTV footage at iba pang electronic records sa Quezon City-Male Dormitory Jail kung saan nakapiit si dating House Speaker Martin Romualdez.

Kabilang dito ang lahat ng CCTV recordings, real-time logs at digital records na may kaugnayan sa mga ulat na umano’y nakalalabas ng kanyang selda si Romualdez nang walang kaukulang court order.

Kaugnay nito, ipinatawag ng Sandiganbayan Third Division nitong Nobyembre 5 sina BJMP QC-Male Dormitory Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion at Jail Chief Inspector Henry Fabro upang magpaliwanag hinggil sa kontrobersiya.

Ito ay kasunod ng alegasyong inilalabas umano sa kulungan si Romualdez sakay ng ambulansya, na mariin namang itinanggi ng BJMP.

Nakapiit si Romualdez sa Quezon City kaugnay ng mga kasong plunder at graft na iniuugnay sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Samantala, iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi kailanman nakalabas ng pasilidad si Romualdez.

Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na may CCTV footage ang BJMP na nagpapatunay na nanatili sa loob ng pasilidad sa Payatas si Romualdez.

Hinimok din niya ang mga mamamahayag na samahan siya sa inspeksiyon sa kulungan upang personal na makita ang mga CCTV recording.

Sinabi rin ng kalihim na hindi tumatanggap si Romualdez ng mga bisita sa labas ng pasilidad at kakaunti lamang ang dumadalaw sa kanya. Kinumpirma rin niyang pumapayat ang dating House Speaker.

Una nang itinanggi ng BJMP ang umano’y paglabas ni Romualdez sa kanilang kustodiya.

Batay sa mga larawang inilabas ng ahensya, nasa loob pa rin ng pasilidad ang dating mambabatas noong Nobyembre 4. Wala rin umanong naganap na power interruption na maaaring nakaapekto sa operasyon ng mga CCTV camera.

Ayon sa BJMP, masusing sinuri ang mga recording at walang naitalang hindi narecord na paggalaw sa pasilidad.

Samantala, inamin naman ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo na ‘nakuryente’ siya sa impormasyong nakalalabas umano ng kulungan si Romualdez.

Sa kanyang Facebook post nitong Huwebes, nilinaw ni Tulfo na mali ang impormasyong natanggap niya, kabilang ang alegasyong gumagamit ng ambulansya si Romualdez at pinapatay ang kuryente sa pasilidad upang hindi ito maitala ng CCTV.

Inamin ni Tulfo na nakahihiya para sa isang mamamahayag ang magkamali sa impormasyon at maikalat pa ito sa social media.

(JULIET PACOT at TOTO NABAJA)

27

Related posts

Leave a Comment