HINILING ng defense team ni Vice President Sara Duterte na ipa-subpoena ang 25 testigo na inaasahang ihaharap sa impeachment trial sa susunod na linggo.
Kinumpirma ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na kabilang sa listahan si dating Law Dean Ralph Sarmiento, na una sanang isasalang bilang testigo sa Lunes.
Kabilang din sa mga hiniling na testigo sina Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng Gencorp Industries Inc.; Engr. Jaime Adalin, city assessor ng Davao City; Engr. John Kenneth Enumerables, city assessor ng Island Garden City of Samal; Vingelin Bajan, city accountant ng Davao City; at Cindy Colina, punong barangay ng Matina Crossing, Davao City.
Kasama rin sa listahan ang ilang opisyal ng mga bangko.
Ayon kay Tongol, rerepasuhin pa ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang listahan bago maglabas ng mga subpoena.
Samantala, iginiit ng defense team na iginagalang nila ang desisyon ni Sarmiento na hindi humarap bilang testigo ng depensa.
Sinabi ni Atty. Michael Poa, defense counsel at spokesperson, na kinikilala nila ang pasya ni Sarmiento at pinahahalagahan ang una nitong konsiderasyong tanggapin ang kanilang imbitasyon.
Idinagdag ni Poa na nagsumite na sila ng listahan ng mga testigo bilang pagsunod sa five-day rule para sa paglilitis.
Gayunman, tumanggi siyang ibunyag ang nilalaman ng kanilang mga isinumiteng dokumento at pleadings sa Impeachment Court.
(DANG SAMSON-GARCIA)
46 