NAGHAHANDA SILA… TAYO?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANO ang pinaghahandaan nila sa ibang bansa?

Nabalitaan n’yo na rin siguro ang advisories na inilabas ng gobyerno ng ilang bansa para sa kanilang mamamayan.

Pero, bakit pinapayuhan nila ang kanilang mga tao na maghanda?

Naglabas ang ilang bansa ng mga advisory na hinihikayat ang kanilang mamamayan na maghanda at mag-imbak ng sapat na suplay ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan na tatagal nang hindi bababa sa tatlong araw. Layunin nitong matiyak na may magagamit na mga pangunahing pangangailangan ang mga pamilya sakaling magkaroon ng emergency, kalamidad, o pagkaantala sa suplay ng mga bilihin.

Kabilang sa mga bansang naglabas ng ganitong paalala ang United Kingdom, Japan, United States, Canada, Germany, Sweden, Finland at ilang bansa sa Europa. Inirerekomenda ang paghahanda ng pagkain, inuming tubig, gamot, flashlight, baterya at iba pang kagamitang pang-emergency. May mga bansang nagtatakda ng tatlong araw na suplay, habang ang iba ay nagrerekomenda ng hanggang pito o 10 araw.

Nilinaw naman na bahagi ito ng mga hakbang sa paghahanda sa posibleng kalamidad, pagkawala ng kuryente, cyberattack at iba pang krisis na maaaring makaapekto sa pangunahing serbisyo. Wala pang kumpirmadong ebidensiya na ang magkakahiwalay na advisory na ito ay babala ng napipintong pandaigdigang digmaan o malaking sakuna.

Ang mga Pinoy naman sa France ay pinayuhan ng Philippine Embassy na maghanda ng 72-hour emergency kits bilang parte ng kahandaan dahil sa kaliwa’t kanang mga protesta.

Inabisuhan din ang mga Pilipinong naninirahan sa mga bansa sa Europa na magtabi ng perang euro bilang reserba kung sakaling hindi gumana o hindi magamit ang mga electronic payment system dahil na rin sa ilang insidente ng hacking.

Mahalaga na maging handa para sa hindi inaasahang krisis nang hindi mawalan ng mga kakailanganin kapag naantala ang mga serbisyo.

Magulo ang mundo.

Nagbabadya ang digmaan sa Europa dahil sa Russia. May banta ang Iran na puputulin ang linya ng undersea cables kaya apektado ang komunikasyon sa mundo.

Tiniyak naman ng pamahalaan na handa ito matapos lumabas ang mga balita tungkol sa pag-iimbak ng ilang bansa.

Lagi naman tayong handa – sa salita.

Sabagay, hindi natin alam ang mangyayari pero mas makabubuti pa rin na laging handa. Sabi nga ni PBBM, don’t panic!

Ang maingat at maalam ang magkakanlong sa sarili sa panahon ng krisis, kalamidad at kaguluhan.

Maghanda, sa halip na mataranta.

18

Related posts

Leave a Comment