ZALAMEDA BAGONG SUPREME COURT CHIEF JUSTICE

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Associate Justice Rodil V. Zalameda bilang bagong punong mahistrado ng Supreme Court (SC), kapalit ni outgoing Chief Justice Alexander G. Gesmundo na nakatakdang magretiro ngayong Biyernes, Nobyembre 6, 2026.

Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano ang pagpili ng Pangulo kay Zalameda, na kabilang sa mahahalagang responsibilidad ng Chief Executive sa ilalim ng Konstitusyon.

Ayon kay Cayetano, mahigit tatlong dekada nang naglilingkod si Zalameda sa justice system, mula sa pagiging court official at public prosecutor hanggang sa kanyang serbisyo sa Court of Appeals (CA) at Korte Suprema.

Binigyang-diin din niya na ang karanasan ni Zalameda sa iba’t ibang antas ng hudikatura ang nagbigay rito ng malawak na pag-unawa sa sistema ng mga korte at sa mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran.

Umaasa naman ang Pangulo na maisasagawa ni Zalameda ang kanyang tungkulin nang may integridad, pagiging patas at matatag na paninindigan sa rule of law.

Nauna rito, inilabas ng Judicial and Bar Council (JBC) noong Oktubre 29 ang shortlist ng limang nominado para sa posisyon ng punong mahistrado.

Kabilang sa mga nominado sina Senior Associate Justice Marvic Leonen, Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, Associate Justice Japar B. Dimaampao, Associate Justice Rodil V. Zalameda at Associate Justice Jose Midas P. Marquez.

Samantala, pormal nang nagpaalam si Gesmundo sa mga opisyal at kawani ng Korte Suprema sa kanyang huling flag ceremony sa Maynila.

Pinasalamatan niya ang mga kawani sa kanilang sama-samang pagsisikap na isulong ang mga reporma, modernisasyon at pagpapahusay sa serbisyo ng hudikatura.

Kinilala rin niya ang mga sakripisyong ginawa ng mga empleyado sa pagpapatupad ng mga pagbabago, kabilang ang pag-angkop sa bagong sistema ng pagtatrabaho noong COVID-19 pandemic.

Bilang pagkilala sa kanyang 41 taong serbisyo sa pamahalaan, pinagkalooban si Gesmundo ng certificate of appreciation ng Korte Suprema.

Nagbigay rin ng pagkilala ang mga kinatawan ng mga empleyado ng korte at binigyang-diin ang pagpapahalaga ng punong mahistrado sa bawat kawani bilang bahagi ng hudikatura.

Itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte si Zalameda bilang mahistrado ng Korte Suprema noong 2019.

(Ulat nina CHRISTIAN DALE at JULIET PACOT)

49

Related posts

Leave a Comment