TULFO, PANGILINAN ISINUSULONG ZERO TARIFF SA PHILIPPINE-MADE TOBACCO, PRUTAS AT AGRICULTURAL PRODUCTS SA JAPAN

ISINUSULONG nina Senate Foreign Relations Committee Chairman Senador Erwin Tulfo at Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pag-aalis ng taripa sa mga produktong heated tobacco, prutas at iba pang produktong agrikultural na gawa sa Pilipinas upang mapalawak ang access ng mga ito sa merkado ng Japan.

Inilahad ni Tulfo ang panukala sa kanyang pagbisita sa Senado ng Japan kasama ang iba pang miyembro ng delegasyon ng Senado ng Pilipinas bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.

Hiniling ni Tulfo sa pamahalaan ng Japan na pag-aralan ang pagpapatupad ng zero tariff sa Philippine-made heated tobacco products (HTPs), kasabay ng pagtaas umano ng demand para sa mga naturang produkto sa Japan.

Layunin ng panukala na higit pang palakasin ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA), na nilagdaan noong 2008 upang alisin o bawasan ang taripa sa mahigit 90 porsiyento ng mga produktong ipinagpapalitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Tulfo, hindi kabilang sa mga produktong pinag-aralan noong binuo ang kasunduan ang heated tobacco products at ilang produktong agrikultural kaya nararapat lamang na repasuhin ang mga umiiral na taripa.

Iminungkahi rin niyang bigyan ng patas na pagkakataong makipagkompetensya ang mga produktong gawa sa Pilipinas sa mga katulad na produktong nagmumula sa European Union.

Sinabi ng senador na makatutulong ang pag-aalis ng taripa upang mapanatili ang suplay ng mga produktong Pilipino sa mga pamilihan sa Asya, mapalakas ang industriya ng pagmamanupaktura at agrikultura, mapalawak ang exports at makalikha ng karagdagang trabaho.

Kabilang sa delegasyon ng Pilipinas sina Senate President Sherwin Gatchalian, Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri at mga Senador na sina Manuel “Lito” Lapid, Raffy Tulfo, Joseph Victor “JV” Ejercito at Francis “Kiko” Pangilinan.

Sa unang araw ng opisyal na pagbisita, nagsagawa ang delegasyon ng mga courtesy call kay Japanese Prime Minister Takaichi Sanae, dating Prime Minister Kishida Fumio, Japanese Senate President Sekiguchi Masakazu at House of Representatives Speaker Mori Eisuke, gayundin sa iba pang mambabatas ng Japan.

Nakipagpulong din ang delegasyon sa Sasakawa Peace Foundation, Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange Group, Japan International Cooperation Agency (JICA) at Japan-Philippines Parliamentary Friendship League.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Tulfo sa patuloy na suporta ng Sasakawa Peace Foundation sa Pilipinas, partikular sa panahon ng mga kalamidad.

Bago ang naturang pagbisita, nagtungo rin sa Senado ng Pilipinas sa Pasay City ang mga mambabatas ng Japan na pinangunahan ni Senate Vice President Fukuyama Tetsuro noong Setyembre 16, 2026.

20

Related posts

Leave a Comment