CRIMINAL GROUP LEADER, 39 PA LAGLAG SA BUY-BUST

CAVITE – Arestado ang lider ng Salazar criminal group at 39 iba pang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigang ito, mula Martes ng hapon hanggang Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang arestadong lider ng Salazar Criminal Group na si Jaylor Salazar, ng Indang, Cavite.

Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), dakong alas-4:25 ng hapon noong Miyerkoles nang madakip si Salazar sa Brgy. Calumpang Lejos, Indang, Cavite matapos nakipagtransaksyon sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Indang MPS.

Tinatayang 50.30 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P342,040 ang nasamsam naman sa arestadong si Rexcel Gunungco, ng Brgy. San Francisco, Gen. Trias City sa buy-bust operation dakong alas-6:00 ng gabi noong Miyerkoles sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City.

Bukod kina Salazar at Guinongco, 38 iba pang umano’y tulak ng ilegal na droga ang nadakip sa magkakahiwalay na buy-bust operation mula ala-1:15 noong Martes ng hapon hanggang alas-2:30 nitong Huwebes ng madaling araw sa limang lungsod at pitong bayan ng Cavite.

Nanguna ang Dasmariñas City sa may pinakamataas na bilang ng arestong hinihinalang drug pusher, 8; sumunod ang Gen. Trias City, Bacoor City at Silang na tig-lima; Cavite City, 4; Naic, 3; tig-dalawa ang Imus City, General Mariano Alvarez (GMA), Mendez, at Kawit habang ang Indang at Carmona ay tig-isa. (SIGFRED ADSUARA)

287

Related posts

Leave a Comment