INIREKOMENDA ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawasan o iklian ang curfew ng apat na oras na lamang bilang paghahanda sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa gitna ng pandemya.
Mula sa umiiral na polisiya na 10 p.m. hanggang 5 a.m. curfew hours, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang suhestiyon ng gabinete ay palitan ito ng 12 a.m. hanggang 4 a.m.
“Ang desisyon po ng Gabinete, irekomenda na nga sa lahat ng mga local government unit na paikliin na iyong curfew,” ayon kay Sec. Roque.
“Iyan po ay rekomendasyon ng Gabinete, pero siyempre po dahil magpapasa sila ng ordinansa, nasa lokal na pamahalaan po iyan,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Nauna rito, inanunsiyo ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagpapaikli sa curfew hours sa lungsod, epektibo kahapon, Oktubre 13, 2020.
Batay sa City Ordinance No. 76, ang curfew sa lungsod ay limang oras na lamang o mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw, mula sa dating pitong oras, o mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.
Sa kabila naman ng pagpapaikli ng curfew, tiniyak ni Zamora na mananatiling umiiral ang lahat ng health at safety protocols sa lungsod laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)
Istrikto aniyang ipatutupad ang mga ito sa pamamagitan ng COVID-19 local ordinances, gayundin ng mga resolusyon at direktiba mula sa Inter- Agency Task Force (IATF).
Nilinaw naman ni Zamora na may mga indibidwal na maaaring ma-excuse mula sa curfew. (CHRISTIAN DALE)
