MAGKAKAROON ng dayalogo ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at si Bise Presidente Maria Leonor Robredo at Liberal Party (LP) hinggil sa eleksyong magaganap sa Mayo 2022.
Ibinunyag ito ni Noel Legaspi, alyas Ka Efren, sa press conference na inilunsad ni Undersecretary Lorraine Badoy na siya ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Si Legaspi ay dati umanong cadre ng CPP na tumiwalag sa samahan dahil nadismaya umano nang husto sa mga ginagawa ng CPP at NPA laban sa pamahalaan at mamamayang Filipino.
Ayon kay Legaspi, sa nilulutong pakikipag-usap ng CPP-NPA kay Robredo at sa LP hinggil sa eleksyon sa 2022 ay siguradong pakikilusin ng makakaliwang grupo ang mga kaalyadong party-list organization na bahagi ng Makabayan Bloc.
Ang mga ito ay ang Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataaan, ACT Teachers at Anakpawis.
Aniya, ang CPP ang nagpapatakbo at naglalagay ng mga nominee sa mga party-list nito sa Kamara de Representantes.
Muling idiniin ni Badoy sa nasabing press conference ang naunang akusasyon na mga kasapi ng CPP-NPA ang mga kongresista ng Makabayan Bloc.
Matatadaang kinompronta si Badoy ng mga kongresista ng Makabayan Bloc, sa pangunguna ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate dahil sa akusasyon ng opisyal ng PCOO na pawang mga high-ranking member ng CPP-NPA ang mga ito.
Si Robredo ay chairperson ng LP mula 2016 hanggang kasalukuyan.
Ang LP ang kasalukuyang oposisyon sa administrasyong Duterte.
Sa kanyang isiniwalat, hindi kategorikal na binanggit ni Legaspi na magsasanib-puwersa ang CPP-NPA, LP at si Robredo sa eleksyon.
Kung babalikan ang mga nakaraang pagkilos ng LP at ng mga organisasyong pambansa – demokrasya ang adyendang isinusulong tulad ng CPP – NPA, mapapansing pareho silang mga sagad-saring kontra sa administrasyong Duterte.
Noong eleksyong 2010, nakipagsanib-puwersa ang Makabayan Bloc sa Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni dating Senate President Manny Villar.
Si Villar ang opisyal na kandidato ng NP sa pagkapangulo laban sa LP ng noo’y Senador Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Natalo ni Aquino si Villar.
Kung nanalo si Villar, nakapuwesto rin ang mga lider ng mga party-list group ng Makabayan Bloc sa administrasyong Villar.
Pero dahil natalo, ang kasama ni Aquino sa administrasyon nito ay ang isa pang kaliwang samahan na Akbayan Citizens’ Action Party nina Ronald Llamas at dating Representative Etta Rosales.
Kaugnay nito, tinangkang kunan ng pahayag ng Saksi Ngayon ang mga inaakusahang mambabatas ngunit wala pang sumasagot sa mga ito habang isinusulat ang balitang ito. (NELSON S. BADILLA)
