PORMAL nang nanumpa ang mga senator-judge sa gagawing impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos mag-convene sa plenaryo ngayong Lunes. (DANNY BACOLOD)
TULUYAN nang nag-convene ang Senado bilang impeachment court para talakayin ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa sesyon kanina ay inirefer na sa Senate Committee on Rules ang articles of impeachment.
Bukod sa articles of impeachment, inanunsyo ng Senado na hawak na rin nila ang box mula sa Bureau of Internal Revenue na naglalaman ng mga dokumento ni VP Duterte.
Tanong naman ni Senador Tito Sotto kung nabuo na ba ang Committee on Rules dahil simula nang magpalit ang liderato ay wala pang naidedeklarang mga bagong opisyal.
Nilinaw naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na alinsunod sa Section 19 ng kanilang rules ay magsisilbi in acting capacity ang acting Majority Leader na si Senador Joel Villanueva at kasapi ang mga dating miyembro.
Nanumpa ang Senate leader bilang presiding officer sa pinakabatang senador na si Camille Villar.
Matapos ito ay binasa na ang reklamo laban sa Bise Presidente na sinundan ng pag-iisyu ng summon sa kanya upang pasagutin siya sa loob ng 10 calendar days at habang pasasagutin ang prosekusyon sa loob ng limang araw.
Sinuspinde ang proceedings ng impeachment court at nag-convene mula sila bilang legislative body.
Walang ‘Coup’ vs Alan
Sa kabila ng matinding ugong ng muling pagpapalit ng liderato, walang senador ang tumayo upang hilingin na ideklarang bakante ang posisyon ng lider ng Mataas na Kapulungan.
Kasabay nito, idineklara na nina Senador Migz Zubiri at JV Ejercito ang pagsanib nila sa minority bloc.
Sinabi ni Zubiri nag-abstain muna siya noong Martes sa botohan para sa bagong liderato ng Senado dahil nais muna niyang magkaroon ng malayang pagkilos sa pagpili ng papanigan.
Nagpasalamat naman si Ejercito kay SP Alan sa alok na maging majority leader subalit nagdesisyon na sumama sa minority leader.
Montales Bagong Senate Secretary
Inihalal naman ng Senado si Taguig City Administrator Jose Luis Garcia Montales bilang bagong Senate Secretary kapalit ni Mark Llandro Mendoza.
Sa pagbubukas ng sesyon nitong Lunes ay pinarangalan ng Senado si Mendoza sa kanyang serbisyo sa bayan.
Nabatid na nag-resign si Mendoza bilang Senate Secretary noong Martes kasunod ng pagpapalit ng liderato.
Nilinaw rin ni Mendoza na walang kinalaman sa naging insidente ng putukan sa Senado ang kanyang pagbibitiw.
Sinabi ni SP Alan na si Montales ay katulad din ni Mendoza na magsisilbing Senate Secretary at nagsilbi ring House Secretary General.
(DANG SAMSON-GARCIA)
49 