(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
LALONG nalantad ang panghihimasok umano ng maybahay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga usapin at trabaho sa gobyerno sa kabila ng kawalan nito ng mandato sa ‘tell all’ book ng nagbitiw na unang Executive Secretary ng administrasyon.
Nitong Biyernes ay inilunsad ni former ES Atty. Vic Rodriguez ang kanyang libro na may titulong “Kingmaker” sa isang hotel sa Pasig. Dito ay idinetalye niya ang mga karanasan sa 79 araw niyang pagsisilbi sa gabinete ni Marcos.
Base sa kwento ni Rodriguez sa librong isinulat ng beteranong manunulat na si Gerry Lirio, nagkalamat ang kanilang relasyon ni First Lady Liza dahil sa pakikialam nito gaya ng pagpapatawag ng meetings sa Malacanang sa mga gabinete at ang kagustuhan nitong magpasok ng mga tao sa revenue-generating na mga tanggapan gaya ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), PAGCOR at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pinalagan din ni Rodriguez na tila pinasusunod siya nito gayung wala naman itong mandato ng taumbayan.
‘There are those who would want to be appointed right away and get in the line ahead of those that we were processing before them. Kaya lang, bulong dito bulong diyan, paninira dun,” kwento ni Atty. Rodriguez.
Maging sa military appointments ay gusto rin aniyang pumosisyon ni FL Liza.
Kung matatandaan, sa unang bahagi ng Marcos Jr. administration, ilang beses nagkaroon ng balasahan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ilan sa mga naapektuhan sa rigodon sina dating AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro at dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Brig. General Marcelino Teofilo.
Inakusahan din ng Unang Ginang si Atty. Rodriguez ng wiretapping gamit ang ISAFP.
”Kailangan yun lang may mandato ang nagdedesisyon, maaari kang humingi ng payo… Natural maaari kang humingi ng wisdom, legal or non-legal advice but at the end of the day, it’s the call of the one who’s elected to office as President and no one else,” ani Rodriguez sa panayam sa kanyang book launching.
Sa pagkakaroon ng tensyon sa pagitan nila ni FL Liza ay napilitang magbitiw si Rodriguez bilang ES at hindi na rin tinanggap kahit may alok sa kanya na maging Presidential Chief of Staff.
Si Rodriguez ay malapit na kaibigan at nagsilbing chief of staff at chief strategist ni Marcos noong 2022 elections.
Siya rin ang abogado ni Marcos Jr. sa electoral protest niya laban kay Vice President Leni Robredo noong 2016—mga panahon na walang kakampi ang pamilya Marcos matapos matalo sa VP race.
