DEATH TOLL SA HABAGAT UMAKYAT NA SA 43

INAKYAT na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa 43 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Southwest Monsoon o Habagat at mga tropical cyclone na sina Luis, Maymay, Neneng at Pilandok.

Ayon sa pinakahuling datos ng NDRRMC, karamihan sa mga naitalang pagkamatay ay dulot ng landslide at pagkalunod bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha na nakaapekto sa buhay ng humigit-kumulang 10 milyong Pilipino.

Samantala, 20 katao naman ang nasugatan dahil sa epekto ng sama ng panahon. Kabilang sa mga lugar na naitala ang mga insidente ang Ilocos Sur, Benguet, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.

Sa datos ng NDRRMC, mahigit 6,000 barangay sa 11 rehiyon ang naapektuhan ng pagbaha at landslide.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa mga apektadong lugar habang isinasagawa ang mga hakbang para matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.

Inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan kaya maaari pa ring makaapekto ang Habagat sa Luzon at Visayas sa mga susunod na araw, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kaugnay nito, naglabas kahapon, Linggo, Setyembre 6, ng abiso ang Philippine Ports Authority (PPA) hinggil sa mga kanseladong biyahe dahil pa rin sa epekto ng Habagat.

Nilinaw ng PPA na hindi sila mismo ang nagkansela ng mga biyahe. Ang pagkansela ay bunsod ng abiso ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabawal sa paglalayag ng anumang uri ng sasakyang pandagat dahil sa masamang lagay ng panahon.

Kabilang sa mga kanseladong biyahe ang mga sumusunod:

PMO BICOL

• TMO Pio Duran – CAVS Sea Transport Services Inc., Baseport Masbate to Pio Duran Port at vice versa;

• TMO Camarines – Starhorse Shipping Lines Inc., San Pascual, Masbate to Pasacao Port, Camarines Sur at vice versa;

• TMO Catanduanes (Virac Port) – Cardinal Silangan Shipping Corp., Virac Port to Tabaco Port at vice versa; at

• TMO Tabaco – Cardinal Silangan Shipping Corp., Tabaco Port to Virac Port at vice versa.

PMO MASBATE

• Baseport Masbate – Montenegro Shipping Lines, lahat ng fastcraft, Masbate City to Pilar, Sorsogon; at

• TMO Burias – Starhorse Shipping Lines, San Pascual, Masbate to San Andres, Quezon.

PMO MINDORO

• Port of Puerto Galera – MV City of Bacolod, 7:15 a.m. at 12:30 p.m., Puerto Galera to Batangas; at

• Port of Puerto Galera – MV Pterippus 1, 6:00 a.m., Puerto Galera to Batangas.

PMO NCR-SOUTH

• TMO Pasig/Port of Pasig River – June Aster ng Atienza Interisland Ferries Inc., Manila to Coron, El Nido at Liminangcong.

Samantala, patuloy na makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro, kung saan posibleng maging katamtaman hanggang malakas ang mga pag-ulan na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Makulimlim naman na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Western Visayas, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, Rizal at Laguna.

Nagbabala ang PAGASA na maaari ring magkaroon ng flashfloods at landslides dahil sa malalakas na thunderstorms.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may isolated rain showers o thunderstorms, ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas. Ganito rin ang kondisyon sa Mindanao dahil sa localized thunderstorms.

Nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Krovanh, na dating tinawag na Pilandok, nitong Linggo bandang alas-3 ng madaling araw.

Huling namataan ang bagyo sa layong 875 kilometro hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pa-silangan-timog-silangan sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin mula timog-kanluran hanggang kanluran sa Extreme Northern Luzon, kung saan maaaring umabot sa 1.5 hanggang 3.4 metro ang taas ng mga alon.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin mula timog-kanluran, habang nasa 0.6 hanggang 2.5 metro ang taas ng mga alon.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtaman ang hangin mula timog hanggang timog-kanluran, na may taas ng mga alon na 0.6 hanggang 2.1 metro.

Muling nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flashfloods at landslides, lalo na sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.

79

Related posts

Leave a Comment