500 MINERO APEKTADO SA NI-RAID NA MINING SITES SA QUEZON

APEKTADO ang kabuhayan ng tinatayang 500 minero matapos salakayin ng NBI at iba pang ahensya ang dalawang mining sites sa Barangay Bulo, Buenavista, Quezon noong Setyembre 3, kaugnay ng umano’y paglabag sa batas sa small-scale mining at mga kautusan ng DENR-MGB.

Batay sa search warrant, nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 500 sako ng processed at unprocessed gold ore, gayundin ang mga kagamitan at iba pang ebidensyang ginagamit sa pagmimina at pagproseso ng mineral.

Ayon sa mga minero, biglaan ang operasyon at ilang manggagawa ang umano’y nahuli at dinala sa NBI headquarters sa Lucena City, habang iginiit nilang malaking dagok sa kanilang kabuhayan ang pagpapatigil ng operasyon.

Dahil dito, nagsagawa sila ng maikling kilos-protesta sa harap ng Municipal Hall ng Buenavista upang hilingin ang patas na pagpapatupad ng batas at pagkakataong maayos ang kanilang mga dokumento, bago kusang umalis makaraan ang ilang minuto.

Samantala, nilinaw ni Mayor Rey Rosilla na hindi tutol ang lokal na pamahalaan sa pagmimina basta ito ay responsable, ligtas at naaayon sa batas, habang nananatiling nakabantay ang mga pulis at Army sa dalawang mining sites habang nagpapatuloy ang kaukulang legal na proseso.

(NILOU DEL CARMEN)

69

Related posts

Leave a Comment