PATULOY na naaalarma ang Department of Health (DOH) sa paglala ng sitwasyon ng dengue cases sa buong bansa.
Dahilan para simulan ng ahensya ang pagbubukas ng dengue fast lane sa lahat ng government hospitals para mabigyan ng serbisyong medical ang mga pasyenteng tinamaan ng nakamamatay na sakit mula sa kagat ng lamok.
Sa mga unang may sintomas ng Dengue, hinihikayat ng DOH ang mga magulang o kaanak ng pasyente na agad itong dalhin sa pinakamalapit na government health facilities.
Una na ring dinoble ng Philippine Health Insurance Corporation ang benepisyo na ibinibigay sa mga dengue patient upang hindi na mag-alala pa ang pamilya ng pasyente sa hospital bills. (JULIET PACOT)
