KINASTIGO ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil umano sa kabiguan nitong agad kanselahin ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na lalong nagpapalabo sa pag-asang mapauwi ito para harapin ang mga kaso niya sa Pilipinas.
Ayon kay Tiangco, may impormasyon umano si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nakakuha na ng Portuguese passport ang kontrobersyal na kongresista.
“Ang tagal na nating panawagan sa DFA na kanselahin ang passport ni Zaldy Co. Napakarami nang basehan na nailatag, pero ang laging sagot ng DFA ay iisa at paulit-ulit na dahilan kung bakit ayaw nilang kumilos,” giit ni Tiangco.
Matatandaang humiling si Tiangco noong Setyembre na kanselahin ang pasaporte ni Co matapos nitong suwayin ang utos ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na umuwi at personal na harapin ang mga kaso kaugnay ng flood control projects.
Ngunit tumanggi ang DFA, dahil umano kailangan pa nila ng utos ng korte na hindi tinanggap ng kongresista.
“Dito mo makikita na pag gusto, may paraan; pag ayaw, maraming dahilan. Mismong Pangulo na ang nagsabi na kakanselahin ang passport ni Zaldy Co once na ma-file ang cases laban sa kanya.
Patong-patong na ang kaso pero ang DFA, tila natutulog sa pansitan at manhid sa galit ng taumbayan,” aniya.
Naniniwala si Tiangco na kung agad kumilos ang DFA, hindi sana nakakuha si Co ng Portuguese passport at posibleng napauwi na ito sa bansa.
“Alam nating lahat kung gaano kahalaga si Zaldy Co sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects. Kaya nararapat lang na mapauwi natin siya agad para harapin ang hustisya,” dagdag pa ng mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
42
