PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA ganang akin ay maituturing na ‘act of war’ ang ginawa ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa mga tauhan ng Philippine Navy.
Noong nakaraang Lunes, Hunyo 17, limang araw makalipas ang Araw ng Kalayaan o Independence Day ng Pilipinas, ay nakaranas ng pangha-harass ang mga Pilipinong sundalo mula sa mga miyembro ng CCG.
Kitang-kita sa mga video na kuha ng Pilipinong sundalo, kung paano ginitgit at pinagduduro ng mga miyembro ng CCG ang ating militar.
Hindi pa nakuntento ang ilan sa mga miyembro ng CCG, nakunan pa ng cellphone video ang ginawang paghatak ng tali ng bangkang de motor, pagkuha ng bag, pagbutas sa rubber boat at pagkuha ng mga baril ng Philippine Navy na nakatago sa kanilang sasakyang pandagat.
Sa pangyayaring ito ay naglabas ng pahayag si Executive Secretary Lucas Bersamin, sinasabing hindi pa raw ‘act of war’ ang ginawa ng mga Tsekwa sa ating mga kababayang Pinoy na sundalo.
Pinagsisigawan na ang mga Pilipinong sundalo at pinagduduro ng mga may itak, kutsilyo, at palakol na mga miyembro ng CCG, ay hindi pa rin ‘act of war’ ang sinabi ni ES Lucas Bersamin.
Naghahamon na ng away ang mga Tsekwang coast guard sa mga sundalong Pilipino, hindi pa rin ‘act of war ‘yun ES Bersamin, sir?
Samantala, sinabi ni political analyst Jay Batongbakal maituturing na ‘armed attack’ at ‘act of war’ ang ginawa ng mga sundalong Tsekwa sa sundalo natin sa Ayungin Shoal.
Parang sinabi ni ES Bersamin na hayaan lang natin ang pangyayari dahil hindi naman ‘act of war’ ang ginawa ng mga tauhan ng CCG.
Kaya hindi tayo magtataka na magiging paulit-ulit na lang ang ginagawa ng mga CCG sa ating mga Pilipino, sundalo man o sibilyan.
Wala nang respeto ang mga ito sa ating mga Pilipino, bakit hindi natin ipakita sa kanila na dapat tayo ay irespeto nila?
Kundi natin sila makakaya sa armas, daanin natin sila sa ibang estratehiya na hindi hahantong sa giyera.
Wala tayong panglaban kung ang pag-uusapan ay militar sa militar dahil sa sundalo pa lang ay wala tayong pantapat sa mahigit dalawang milyong sundalo ng China kung ikukumpara sa mga Pilipinong sundalo na mahigit dalawang daan libong lamang.
Mas lalo namang wala tayong pantapat sa usapin ng mga armas sa China laban sa Pilipinas.
Kahit na anong laking bansa ng China, may kahinaan din ‘yan kaya dapat pag-isipan ng mga opisyal ng gobyerno kung paano nila mareresolba ang problema sa West Philippine Sea.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
