DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG merong kakapal ang bulsa at bank accounts sa Executive Order (EO) 62 ni Pangulong Marcos Junior, ay ang rice importers at malalaking negosyante na pinayagang mag-angkat ng bigas.
Imbes na 35% kasi ang taripang babayaran ng rice importers, magiging 20% na lamang dahil babawasan ng 15% ang buwis na babayaran nila upang mapababa raw ang presyo ng bigas sa merkado.
Maraming negatibong epekto ng pagpabababa ng taripa sa imported rice dahil mababawasan ang koleksyon sa buwis at mababawasan din ng pondo na ipantutulong sa local na mga magsasaka, siyempre.
Malamang sa malamang din na maraming rice importers ang magsasamantala at mag-aangat nang maramihan para makatipid sa taripa dahil habang malaki ang natitipid nila sa buwis, mas kakapal ang kanilang bulsa at bank account.
At papaano makasisiguro na bababa ang presyo pagdating sa palengke ng mga inangkat na bigas eh nuknukan na ng kagahaman ang mga negosyante at hindi sila nauubusan ng dahilan para idepensa ang mataas na presyo ng bilihin.
Kesyo mataas ang gastos nila sa transportasyon dahil mahal ang krudo kaya dapat nilang bawiin ‘yun sa consumers, kesyo ba-delay ang pagbaba ng mga inangkat ng bigas dahil sa bagyo kaya lumaki ang kanilang gastos at kung ano-anong pang dahilan nila.
Mababawasan naman daw ng P6 hanggang P7 ang presyo ng kada kilo bigas sa mga palengke na ngayon ay P55 na ang pinakamura, kaya ‘yung P29 na sinasabi ng gobyerno ay mukhang suntok sa buwan.
D’yan pa lamang sa halaga ng ibababa ng presyo ng bigas ay may problema na dahil bakit hindi itakda sa P7 imbes na sabihin sa atin na P6 hanggang P7 ang mababawas sa halaga ng pangunahing pagkain ng mga Pinoy.
‘Yung mga negosyante, malamang P6 lang dahil napakalaking halaga ang P1 dahil kung halimbawa pinayagan ang isang rice importer na mag-angat ng 20,000,000 kilo ng bigas, P20 million ang mababawa sa kanila kapag sinagad nila sa P7 ang ibabawas sa kanilang presyo.
Kaya tulad ng sabi ko, walang ibang makikinabang sa pagbabawas ng taripa sa imported rice kundi ang rice importers at maging ang mga magsasaka sa ibang bansa na pinagkunan nila ng supply.
Parang sinasadya talaga na huwag paunlarin ang sektor ng agrikultura sa bansa para lumaki ang kita ng rice traders dahil kung sobra-sobra ang produksyon ng bigas sa ating bansa, hindi na sila mag-aangkat.
Kung tutuusin, mahigit 3 milyong metric tons lang ang kulang sa ating produksyon sa bigas at kaya itong habulin ng lokal na mga magsasaka kung may sapat na patubig, may post harvest facilities, may subsidiya ang gobyerno sa abono at may sapat na pasilidad pero parang ayaw nilang gawin eh para ‘yung kulang ay aangkatin na lamang at ‘yun ang magdidikta ng presyo ng bigas sa merkado.
