QUEZON CITY — Humigit-kumulang P555.75 milyon ang ipinataw na multa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa motorcycle taxi platform na Move It, dahil sa pagpapanatili ng libo-libong rider-partners na lampas sa pinahihintulutang bilang ng pamahalaan.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, 2026, idineklarang administratibong responsable ang WE-LOAD TRANSCARGO CORPORATION na nag-ooperate bilang Move It PH. Pinahihintulutan lamang ang kumpanya na magkaroon ng 17,746 na rider-partners sa Metro Manila, Cebu City, at Cagayan de Oro, ngunit natuklasan na umabot umano sa 73,321 ang aktibong riders nito — o may 55,575 na labis sa itinakda.
Nagpataw ang LTFRB ng parusang P10,000 bawat sobrang rider, na nagbunga ng kabuuang multang P555,750,000. Tinanggihan din ng ahensya ang paliwanag ng kumpanya na dapat lamang bilangin ang mga sabay-sabay na online na riders, at nilinaw na ang limitasyon ay sumasaklaw sa kabuuang bilang ng mga rehistrado at aktibong rider-partners.
Binigyang-diin pa ng LTFRB na dalawang beses nang pinaalalahanan ang Move It na sumunod sa alokasyon, ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pagtanggap at pag-activate ng mga bagong rider. Kapag naging pinal na ang desisyon, inaatasan ang kumpanya na bayaran ang multa; ang pagkabigo rito ay maaaring maging dahilan ng pagsususpinde o pagbawi ng kanilang akreditasyon.
Ayon sa LTFRB, ang hakbang na ito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe sa buong industriya: na ang lahat ng platform ay dapat sumunod sa itinakdang regulasyon, at walang kumpanyang higit sa batas.
77 