BUMUHOS ang pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na komedyante at impersonator na si Gil Aducal Morales, na mas kilala bilang Ate Gay, mula sa mga kasamahan nito sa showbiz.
Isa sa mga agad nagbigay-pugay ang komedyanteng si Tuesday Vargas sa pamamagitan ng isang madamdaming social media post.
Kinumpirma ng pamilya ni Ate Gay ang kanyang pagpanaw noong Linggo, Nobyembre 1, 2026, matapos ang matagal na pakikipaglaban sa karamdaman. Ayon sa pamilya, pumanaw siya habang napalilibutan ng kanyang mga mahal sa buhay.
Sa Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 2, binalikan ni Tuesday ang kanilang pagkakakilala noong Setyembre 2025 at pinuri ang katatagan, kabaitan at positibong pananaw ni Ate Gay sa kabila ng kanyang pinagdaraanan.
Ikinuwento rin ni Tuesday kung paano siya naging inspirasyon ni Ate Gay noong nagsisimula pa lamang siya bilang komedyante sa mga comedy bar sa Malate sa edad na 19.
Tinawag niya si Ate Gay na isang haligi ng komedya at kinilala ang malaking ambag nito sa industriya, mula sa comedy bar scene hanggang sa telebisyon, pelikula at malalaking concert stage.
Ayon kay Tuesday, naging inspirasyon niya si Ate Gay upang maniwalang makakamit din niya ang tagumpay sa industriya. Pinasalamatan din niya ang yumaong komedyante sa mga pinagsamahang pagtatanghal at aral tungkol sa katatagan.
Kilala si Ate Gay sa kanyang pagpapatawa at panggagaya sa yumaong Superstar na si Nora Aunor.
Nagpasalamat naman ang pamilya sa mga nagpaabot ng panalangin, pagmamahal, pinansiyal na tulong at suporta habang nilalabanan ni Ate Gay ang kanyang karamdaman.
64 