DISTRITO SINGKO, LULUBOG NA LANG SA PANGAKO?

BISTADOR ni RUDY SIM

NARANASAN niyo na rin ba ‘to? Bumuhos lang kahit saglit ang ulan, aba’y tumataas agad ang tubig, at nariyan na ang baha!

Ito ang kadalasang hinaing ng mga katropa natin d’yan sa Novaliches na sigurado akong marami rin sa mga mambabasa natin ang nakaka-relate! Lalo na kapag tag-ulan o may bagyo, ika nga’y hindi kailangang maghintay ng isang oras bago magsimulang abutin ang kanilang mga tahanan ng tubig-baha.

Ang iba, idinadaan na lamang sa biro at sinasabing ginagawa na nilang paligsahan ang pag-aakyat ng gamit tuwing darating ang masamang panahon — pabilisan ang mga magkapitbahay.

Pero sa likod ng biruan, ramdam ang inis at na may halong pangamba ang mga hinaing ng mga katropa natin. Hindi naman talaga dapat gawing katatawanan ang usapang ito, dahil nakasalalay dito ang buhay, kaligtasan, at pamumuhay ng marami sa ating mga kababayan. Kaya naman nakikiisa tayo sa panawagan ng mga katropa natin sa District 5 ng Quezon City na sana’y mabigyan naman ng tugon ang problemang ito na matagal na nilang iniinda.

Binusisi rin natin kung ano na nga ba ang naging aksyon ng mga lider at lingkod-bayan natin doon. Ang nakapagtataka, mayroon na palang pondong nakalaan at naibaba na para sa District 5. At hindi lang kakarampot, ang pondong ito, mga katropa!

Ayon sa mga nagkakalat ng dokumento at bali-balita sa social media, bilyon-bilyon pala ang budget para sa naturang “flood control projects.”

Ang tanong, bakit hanggang ngayon ay hindi ito ramdam ng mga kababayan natin sa d’yan? Saan napunta ang pondo, at sino ang salarin? Ang mga katropa natin sa District 5, mukhang alam na ang sagot, dahil putok na putok na sa social media ang pangalan ng dalawang politiko na magkuya, at mga kamag-anak nito na anila’y nakinabang sa tinatayang P2.5 bilyon na pondo.

Ilang taon na rin sa paninilbihan ang magkapatid at noon pa ipinapangakong tutugunan ang problema ng baha sa kanilang nasasakupan. Ngunit ilang taon at ilang bilyones na ang nakalipas, wala pa ring pagbabago?

Hindi natin masisisi ang mga kababayan natin sa District 5 kung sila’y nawawalan na ng bilib sa mag-kuya – nagpalitan na sila ng pwesto ngunit walang nagbago sa sitwasyon.

Sa katotohanan ay habang namumuro na nga raw sa mga taga-distrito ang kanilang kongresista, nadagdagan pa ang yamot ng mga katropa natin nang makita ang kanyang pirma kasama ang mga sumang-ayon sa impeachment ng Bise Presidente.

Naku po! Pero, balik tayo sa usapan. Nasaan na nga ba ang bilyones para maiahon sa baha ang District 5?

Tinangay na nga ba nila, at iiwan na lamang ba ang mga katropa natin sa baha?

15

Related posts

Leave a Comment