IPINAUBAYA ng Department of Justice (DOJ) sa mga hukom ang desisyon kung pag-iisahin ang patong-patong na kaso ni dating Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves Jr.
Ani Justice Spokesperson, Assistant Secretary Mico Clavano, pinag-aaralan ng Prosecutor General kung magsusumite sila ng manifestation sa mga korte kung saan may kaso si Teves para hilingin na pag-isahin ang mga kaso o payagan na lamang ang video conferencing.
Paliwanag ni Clavano, prayoridad nila ang seguridad ni Teves pero nakadepende pa rin ito sa mga prosecutor kung papayagan ang consolidation ng mga kaso para madala ang mga ito sa Maynila.
Bukod sa Manila at Quezon City Regional Trial Court, may kaso rin ang dating kongresista sa Bayawan City, Negros Oriental.
Ayon kay Clavano, susuriin pa kung pareho ang mga sinasabi ng mga testigo at ebidensya.
Sa ngayon, wala pang ibinibigay na petsa ang korte para sa arraignment ni Teves kaya mananatili muna ito sa NBI Detention Center sa New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa City.
(JULIET PACOT)
