PINATUTSADAHAN ng isang mambabatas sa Kamara si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero dahil mistulang dinelay umano nito ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.
“Natatakot ba siya kay Sara Duterte?” Tanong ni Akbayan party-list Representative Perci Cendaña.
Unang itinakda ni Escudero ang pagbasa sa articles of impeachment noong Hunyo 2 subalit inurong ito sa Hunyo 11 dahil kailangang tapusin muna ang mga legislative assignment ng 19th Congress, bagay na pinagdudahan ng mga mambabatas.
“Hindi po ito Paris fashion week. Convening the Senate as an impeachment court is a solemn constitutional duty, not a seasonal accessory you put on or discard depending on the political weather, or one’s personal agenda,” ayon kay Cendaña.
Sinabi ng mambabatas na base sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS), halos 9 sa bawat Pilipino ay nais malitis si Duterte at linisin ang kanyang pangalan sa alegasyon na nilustay lamang niya ang kanyang confidential funds.
Lumabas din aniya sa survey na 68 porsyento sa mga respondent ay nais na harapin ni Duterte ang lahat ng alegasyon laban sa kanya habang 7 porsyento lamang ang nagsasabi na iwasan na lamang ng Pangalawang Pangulo ang lahat ng isyung ibinabato sa kanya.
“The public wants a trial. Even the impeached Vice President herself has signaled a willingness to face one. What’s stopping the Senate? Natatakot ba ang liderato kay Sara? The people demand transparency. Tama na po ang pateka-teka. Panahon na para magtrabaho,” giit ng kinatawan ng Akbayan.
Iginiit nito na “betrayal of public” trust ang hindi agarang pag-aksyon ng Senado sa impeachment case ni Duterte at posibleng tuluyang pagkawala ng tiwala ng publiko sa institusyon na panagutin ang mga corrupt official.
Ganito rin ang ikinatatakot ni Camarines Sur congresswoman Gabrielle Bordado sa kanyang privilege speech sa Kamara kaya umapela ito sa mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanila ng taumbayan.
“Let us not betray the public trust. Let us not allow this moment to pass into history as yet another chapter where accountability was sacrificed on the altar of political convenience,” ani Bordado.
