SENADO KINONTRA SA BSKE SA DISYEMBRE

TINUTULAN ng isang mambabatas sa Kamara ang plano ng Senado na ituloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa Disyembre ngayong taon dahil masyadong maiksi umano ang termino ng incumbent officials.

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, magiging dalawang taon at dalawang buwan na maninilbihan ang mga incumbent barangay at SK officials kung itutuloy ang eleksyon sa Disyembre.

“The officials will not be given enough time to fully implement their plans, programs and activities which they have promised their constituents,” pahayag ng mambabatas matapos sabihin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga bisitang barangay official mula sa Naga City na matutuloy ang eleksyon sa December 2025.

Napag-usapan umano ito sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), bagay na hindi sinang-ayunan ni Rodriguez.

Bukod sa maiksing panahon ng paninilbihan, masyado pa aniyang sariwa ang pagkawatak-watak ng mga tao sa mga barangay dahil sa katatapos na midterm election kaya nais ng mambabatas na ipagpaliban ito.

Kailangan ding aniyang ikonsidera ang pondong magagastos sa BSKE na aabot ng P8 billion gayung kailangan ng gobyerno ang karagdagang pondo.

Bago ito, ibinida ni Senate President Chiz Escudero, na ang naging direksyon ng talakayan sa LEDAC meeting na dinaluhan mismo ng Pangulo at liderato ng Kongreso ay matuloy ang BSKE election sa Disyembre.

Gayunman, nilinaw ni Escudero na daraan pa sa debate ang desisyon at pagbobotohan pa ito.

Alinsunod sa isinusulong na panukala sa Senado, gagawing apat na taon ang termino ng Barangay at SK officials at ipagpapaliban ang eleksyon.

Sa Kamara naman, ipagpapaliban ang halalan pero gagawing anim na taon ang panunungkulan.

Ang usapin ay kasama sa natalakay sa pulong ni dating Vice President at ngayon ay Mayor-Elect Leni Robredo kasama ang mga miyembro ng Liga ng Barangay.

Sa pulong, sinabi ni Robredo na nais nilang huwag matuloy ang eleksyon sa Disyembre dahil sa buwan ding iyon wala pang tatlong taon ang mga kasalukuyang barangay at SK officials.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

45

Related posts

Leave a Comment