HINILING kahapon ng kampo ni Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., na alisin ang Department of Justice (DOJ) sa paghawak sa murder case ni Gov. Roel Degamo.
Kahapon ng tanghali, naghain ng motion to inhibit ang kampo ni Teves sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio laban sa DOJ Panel of Prosecutors.
Sa kanyang mosyon, sinabi ni Teves na hinuhusgahan at hinahatulan siyang guilty sa kaso ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla sa mga pahayag nito sa media.
Inaakusahan din ni Teves ang DOJ ng partiality, at sinabing ang imbestigasyon sa naturang kaso ay dapat isagawa ng Office of the Ombudsman.
Kaugnay nito, inulit ni Teves na malabong umuwi siya ng bansa hangga’t hindi aniya patas ang kasalukuyang administrasyon sa Degamo case.
Ayon kay Topacio, mula umpisa ay hindi umano naging patas ang imbestigasyon ng DOJ at hindi tiningnan lahat ng anggulo upang matukoy ang mastermind sa kaso.
Pinaniniwalaang nagkaroon ng conspiracy theory upang idiin si Teves sa kaso.
Inalmahan ng kampo ni Teves ang mapanghusgang pahayag ni Remulla na hindi pa man gumugulong ang imbestigasyon ay malisyoso na aniya nitong pinaratangan at isinangkot ang kongresista sa madugong Pamplona massacre na nangyari noong March 4 at ikinasawi ni Degamo kasama ang 9 na iba pa.
Ang pilit na pagsasangkot ng administrasyon kay Teves ay isang patunay lamang umano na hindi nasusunod ang due process sa karapatan ng bawat akusado na magkaroon ng patas na imbestigasyon at anomang paglilitis na ayon sa batas.
Matatandaang bumaligtad na sa kanilang naunang pahayag ang mga suspek sa krimen at sinabing pinahirapan sila at tinakot ang kanilang pamilya upang ituro nila si Teves na nag-utos paslangin ang gobernador.
Pinanindigan din nia na hindi nila kilala si Teves.
Noong January 12, nagpatawag ng presscon ang kampo ni Teves at ipinanawagan sa gobyerno ang aksyon laban sa harassment umano ni Department of the Interior and Local Government (DILG)
Secretary Benhur Abalos dahil sa walang humpay na raid sa kanyang tahanan upang taniman umano ng mga armas at pampasabog para makasuhan ang mambabatas.
Naniniwala ang kampo ni Teves na sa susunod na administrasyon ay magkakaroon ng malalimang imbestigasyon sa kaso ni Degamo upang matukoy at mapanagot ang tunay na may sala. (RUDY SIM)
