MGA ALKALDE AT MUSLIM COMMUNITY LEADERS SA LAGUNA, NAGPAHAYAG NG SUPORTA KAY GOV. SOL ARAGONES

TARGET ni KA REX CAYANONG

“HINDING-HINDI ako magnanakaw sa kaban ng lalawigan!” – Gob. Sol. Diretsahang nanindigan sa harap ng mga alkalde.

Aba’y nagkaisa ang mga alkalde sa Laguna sa pagpapahayag ng suporta kay Governor Sol Aragones sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng kanyang administrasyon.

Sa pagtitipon sa Provincial Capitol sa Santa Cruz nitong Oktubre 12, buong tapang na iginiit ni Aragones na hindi niya ninakaw at hinding-hindi niya nanakawin ang pera ng lalawigan.

Sa harap ng mga lokal na pinuno, mariing ipinahayag ng gobernadora ang kanyang paninindigan tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan.

Pinangunahan ni Rizal Mayor Vener Muñoz, pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)–Laguna Chapter, ang pagpapahayag ng suporta ng mga alkalde. Ayon kay Muñoz, nakatayo sa panig ni Aragones ang liga ng mga mayor sa lalawigan.

Nakiisa rin sa pagpapahayag ng suporta sina Paete Mayor Bokwet Cosico, bise presidente ng LMP–Laguna; Santa Cruz Mayor Benjo Agarao; Pagsanjan Mayor Jan Garcia; at Lumban Mayor Belen Raga.

Kasama rin sa mga nagpahayag ng suporta sina Pila Mayor Atty. Queen Alarva, Magdalena Mayor Jun Lapada, Pakil Mayor Unad Hidalgo, Kalayaan Mayor Sandy Lagapanan, Liliw Mayor Ide Monleon, Majayjay Mayor Romy Amorado, Siniloan Mayor Patrick Go, Nagcarlan Mayor Elmor Vita, Bay Mayor Michael Punzalan, at Mabitac Mayor Alberto Reyes.

Bukod dito, nakiisa rin sina Famy Mayor LR Rellosa, Pangil Mayor Gerald Aritao, Los Baños Mayor Neil Andrew Nocon, at Cavinti Mayor Arrantlee Arroyo.

Hindi lamang mga alkalde, aba’y nagpahayag din ng buong pusong suporta kay Aragones ang mga pangulo at lider ng mga komunidad ng Muslim sa Laguna, na nagdagdag sa mga sektor na nagpahayag ng pakikiisa sa gobernadora.

Kaya sa gitna ng mga kontrobersiya, iginiit ng mga sumusuporta kay Aragones ang kahalagahan ng pagkakaisa at maayos na ugnayan ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan.

Mahalaga ang koordinasyon ng gobernador at mga alkalde upang maipagpatuloy ang mga programa at serbisyong kailangan ng mga residente sa bawat bayan ng Laguna.

Gayunman, kasabay ng pagpapahayag ng suporta, mahalaga ring mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ng lahat ng panig ang kanilang posisyon sa mga usaping may kinalaman sa pamamahala at paggamit ng pondo ng bayan.

Para kay Aragones, ang pagtindig ng mga lokal na pinuno at lider ng komunidad ay nagpapakita ng kanilang pakikiisa sa gitna ng mga hamong kinahaharap ng kanyang liderato.

At masasabing ang mahalagang bantayan ng publiko ay ang patuloy na paghahatid ng serbisyo, pagiging bukas sa mga katanungan, at pananagutan sa paggamit ng pera ng taumbayan.

92

Related posts

Leave a Comment