ON THE LEVEL Ni JUNEX DORONIO
MAY tama ka, Senator Erwin Tulfo! Sa panahong nagbabantang dumating ang tinatawag na Super El Niño, napapanahon at makatarungan ang iyong babala sa mga kumpanya ng kuryente: huwag samantalahin ang matinding init ng panahon upang magpatupad ng walang habas na pagtaas ng singil habang lalong naghihirap ang mga pamilyang Pilipino.
Hindi biro ang problemang kinahaharap ng ordinaryong mamamayan. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan, tila wala nang katapusan ang paghihigpit ng sinturon ng mga manggagawang sumasahod nang kapos sa pang-araw-araw na gastusin.
At ngayon, kuryente naman ang posibleng maging dagdag na pasanin! Sa ilalim ng matinding init, sino ba ang maaaring mabuhay nang walang bentilador? Paano makatutulog nang maayos ang mga bata, matatanda at maysakit kung parang pugon ang loob ng kanilang tahanan? Paano makapagtatrabaho nang maayos ang mga manggagawa kung halos hindi na makayanan ang temperatura?
Hindi luho ang kuryente. Pangunahing pangangailangan ito sa modernong pamumuhay.
Kaya tama lamang ang babala ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, na hindi dapat abusuhin ng mga power generation company at distribution utility ang sitwasyong dulot ng climate crisis upang palobohin ang kanilang kita.
Kung may makatwirang dahilan para sa pagbabago ng presyo, dapat itong ipaliwanag nang malinaw. Ngunit kung may nagsasamantala sa kakulangan ng suplay o sa pagtaas ng demand upang magpataw ng hindi makatarungang singil, nararapat lamang na imbestigahan at panagutin ang mga responsable.
Hindi puwedeng laging konsyumer ang talo! Sa tuwing tumataas ang singil sa kuryente, ang maliliit na mamimili ang unang tinatamaan. Ang isang pamilyang may limitadong kita ay napipilitang mamili kung magtitipid sa pagkain, magbabawas ng ibang gastusin o magtitiis sa init upang hindi lumobo ang kanilang buwanang bayarin.
Samantala, kailangang tiyakin ng mga regulator na may sapat na batayan ang bawat pagtaas ng presyo at walang artipisyal na kakulangan sa suplay na ginagamit upang bigyang-katwiran ang mas mataas na singil.
Tama rin ang panawagan sa Department of Energy at Energy Regulatory Commission na magpatupad ng kongkreto at maagap na hakbang upang mapanatili ang sapat na suplay ng kuryente at maiwasan ang mga brownout.
Hindi sapat ang puro babala kapag nagsisimula nang magdusa ang publiko. Kailangang may malinaw na plano, sapat na paghahanda at mahigpit na pagbabantay sa buong sektor ng enerhiya.
Kung talagang darating ang matinding El Niño, dapat ngayon pa lamang ay kumikilos na ang pamahalaan at mga kinauukulang ahensiya.
Hindi dapat hintaying dumoble ang singil bago mag-imbestiga. Hindi dapat hintaying magdilim ang mga tahanan bago maghanap ng solusyon.
At higit sa lahat, hindi dapat gawing negosyo ang paghihirap ng mamamayan.
Senator Erwin, ipagpatuloy mo ang pagbabantay. Huwag hayaang mauwi sa mga pangako ang iyong babala. Gamitin ang kapangyarihan ng Senado upang tiyaking napoprotektahan ang mga konsyumer laban sa mapagsamantalang presyo at palpak na serbisyo.
Sa panahon ng krisis, ang tunay na sukatan ng pamamahala ay hindi kung gaano kalaki ang kinikita ng mga kumpanya, kundi kung gaano kahusay na napangangalagaan ang kapakanan ng taumbayan.
Dahil sa huli, ang init ng El Niño ay sapat nang pasakit. Huwag na nating dagdagan pa ng init ng ulo dahil sa singil sa kuryente!
May tama ka, Senator Erwin. Panindigan mo!
115 