IPALALABAS ng Department of Justice (DOJ) sa Setyembre 14 ang report nito sa imbestigasyon sa alegasyon ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, na tatapusin na nila ang imbestigasyon sa PhilHealth at ipalalabas naman ang kanilang report at rekomendasyon sa nasabing petsa.
“By Sept. 14, that’s Monday, we will be able to submit to you our report and our recommendations including the possible filing of administrative and/or criminal charges against persons in PhilHealth who we shall find to be probably responsible for certain anomalies or irregularities,” ayon kay Sec. Guevarra.
Sinabi pa ni Sec. Guevarra na posibleng sampahan na ng kaso ang mga taong responsable sa sumingaw na iregularidad matapos isumite ng DOJ ang kanilang report kay Pangulong Duterte.
Nauna rito, inirekomenda ng Senate Committee of the Whole ang paghahain ng graft at malversation charges laban kay Sec. Duque, kay resigned PhilHealth president Ricardo Morales, at iba pang executives ng state-run insurance firm matapos maiulat na napahintulutan na gamitin ang COVID-19 funds para sa health facilities at hindi para sa coronavirus patients.
Tinatayang may 17 senador ang lumagda sa board resolution na humikayat kay Sec. Duque na bumaba na sa puwesto bilang health chief.
Sinasabing nabigo kasi si Duque na tugunan ang COVID-19 sa bansa.
Ang Pilipinas ang may “highest number” ng coronavirus cases sa Southeast Asia.
Samantala, dedma naman si Pangulong Duterte sa panawagang sibakin si Duque sa puwesto sa katuwirang mahirap magpalit ng mga opisyal sa panahon ng global pandemic. (CHRISTIAN DALE)
103