NAGPARATING ng kanyang taos pusong pasasalamat si P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PNP-PRO5, sa publiko sa muli nitong pagpapakita ng suporta sa pulisya sa pamamagitan ng pagpapaabot ng impormasyon sa mga nangyayari sa kanilang lugar gaya nang nadiskubreng granada.
Dakong alas-11:00 ng tanghali noong Hulyo 21, 2021 nang makatanggap ng report mula sa Punong Barangay na si Lino Lumbao ang himpilan ng Virac MPS hinggil sa umano’y natagpuang granada ng dalawang mangingisda sa ilog ng Barangay Palnab Del Norte.
Agad na tinungo ng mga kawani ng istasyon, kasama ang Provincial Explosive Ordnance Disposal at Canine Unit (PECU), ang naturang lugar at nakumpirma ang natagpuang isang high explosive na MK2 fragmentation grenade.
Ang narekober na granada ay nasa pangangalaga na ng PECU habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa proper disposal procedure sa susunod na linggo.
Isinasagawa na rin ang masinsinang pag-iimbestiga upang matukoy kung saan at kanino nagmula ang nasabing pampasabog.
“Nais kong pasalamatan ang ating mga kababayan sa kanilang ipinamalas na kooperasyon at tiwalang patuloy nilang ibinibigay sa kapulisang Bicol. Ang impormasyong kanilang ibinigay sa atin ay naging instrumento upang mapigilan ang maaaring pagsabog at pinsalang dulot nito,” dagdag pa ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
163 