CAVITE – Pinapanagot sa driver ng isang pampasaherong jeepney ang pagkakasugat ng ilan nitong pasahero at pagkasira ng dalawang sasakyan na nakaparada sa lugar nang bumangga ito sa poste ng ilaw at sa nabanggit na mga sasakyan sa Gen. Trias City noong Sabado ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa City of General Trias Doctors and Medical Center ang ‘di pa pinangalanang mga pasahero, dahil sa mga sugat sa kanilang katawan.
Kinilala naman ang driver ng pampasaherong jeepney na si alyas “Juan”, 43, ng Brgy. San Antonio, Cavite City.
Ayon sa ulat, minamaneho ni Juan ang kanyang pampasaherong jeepney na may plakang DXX 725, at binabagtas ang kahabaan ng Arnaldo Highway, Brgy. San Francisco, General Trias City patungo sa south direction bandang alas-5:30 ng umaga.
Ngunit pagsapit sa harapan ng Elang Catholic Church nang mabangga nito ang isang poste ng ilaw.
Pagkaraan ay nasagi rin nito ang dalawang sasakyan na nakaparada sa lugar habang ang mga pasahero nito ay nasugatan.
Inamin ng driver ng pampasaherong jeepney na nakaramdam siya ng pagkaantok habang patungo sa Pala-pala terminal.
(SIGFRED ADSUARA)
54
