MULING tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta ng pambansang pamahalaan sa Bangsamoro region at sa mga mamamayan nito sa pagdalo niya sa inaugural session ng kauna-unahang demokratikong halal na Parlamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dinaluhan ng Pangulo ang makasaysayang pagtitipon kasama ang mga bagong halal na pinuno ng rehiyon noong nakaraang linggo, na nagmarka ng pormal na pagtatapos ng pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at pagsisimula ng unang regular na pamahalaang parlamentaryo ng Bangsamoro.
Inilarawan ni Pangulong Marcos ang pagkakatatag ng halal na pamahalaan ng BARMM bilang malaking tagumpay na bunga ng ilang dekadang pakikibaka, dedikasyon at diyalogo sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa kanyang talumpati sa harap ng 80 bagong halal na miyembro ng Parlamento (MPs), sinabi ng Pangulo na natamo na ng rehiyon ang isang makasaysayang yugto matapos ang mahabang panahon ng pakikibaka.
“Matapos ang ilang dekadang pakikibaka, narating na natin ang makasaysayang araw na ito. Alhamdulillah. Papuri sa Diyos. Pormal nitong tinatapos ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority at minamarkahan ang pagsisimula ng unang regular na pamahalaang parlamentaryo ng rehiyon,” pahayag ni Marcos.
“Tunay na tagumpay ito para sa ating mga kapatid na Bangsamoro. Tagumpay ito para sa Mindanao. Tagumpay ito para sa buong sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Nagbigay-pugay ang Pangulo sa mga pamilyang nagdusa sa mahabang panahon ng tunggalian at kinilala ang mahalagang ambag ng mga lider mula sa iba’t ibang panig na nagsulong sa pagpapatibay ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).
Binigyang-diin din niya na bagama’t malaking tagumpay ang mapayapang pagsasagawa ng halalan at pagkakahalal ng mga bagong pinuno, ang tunay na hamon sa kanila ay ang paghahatid ng pamamahalang may pananagutan, malinaw at tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Nagpahayag din ng suporta si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento sa mga bagong halal na miyembro ng Parlamento.
Ayon kay Sarmiento, na dumalo rin sa inaugural session, katuparan ng pangunahing pangako sa ilalim ng Political Track ng CAB ang pagkakatatag ng halal na pamahalaan ng Bangsamoro.
Binigyang-diin niya ang mahalagang pagbabago mula sa pansamantalang pamahalaan ng BARMM tungo sa isang demokratikong halal na institusyon, gayundin ang paglipat ng ilang dating mandirigma ng MILF sa pagiging mga miyembro ng Parlamento.
“Ang pagtitipon ng halal na Parlamento ang pinakaangkop na pagpapakita ng Political Track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, gayundin ang pagpapahayag ng kagustuhan ng mamamayan na hubugin ang pang-ekonomiya at pampulitikang kinabukasan ng kanilang rehiyon,” pahayag ni Sarmiento.
Ayon sa kalihim, ang mga mekanismong pangkapayapaan na binuo sa loob ng maraming taon, kabilang ang mga intergovernmental body at Normalization Program, ang nagbigay-daan sa makasaysayang yugtong ito.
Aniya, mahalagang tagumpay ito para sa mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, dating mandirigma at iba pang stakeholder na patuloy na sumuporta sa proseso ng Bangsamoro sa kabila ng mga hamon, sa paniniwalang makakamit ng rehiyon ang tunay na sariling pamamahala at pagpapasya sa kinabukasan nito.
(JESSE RUIZ)
63 