KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL DAPAT TIYAKIN NANG HINDI LALALA LEARNING LOSS SA SUPER EL NIÑO

HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyaking mapangangalagaan ng mga protocol nito laban sa El Niño ang kaligtasan ng mga mag-aaral nang hindi lalo pang pinalalala ang learning loss.

Sa halip na magpatupad ng malawakang suspensyon ng klase, iginiit ni Gatchalian na dapat isaalang-alang ang lokal na sitwasyon sa bawat lugar sa pagpapasya kung kinakailangang kanselahin ang mga klase.

Nagbabala ang Senate President na maaaring magpalala sa learning loss at magpalubha sa krisis sa edukasyon ang blanket suspension ng mga klase.

“Hindi lang ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pinagbabantaan ng El Niño, kundi pati na rin ang kakayahan nilang matuto. Kailangang tiyakin nating hindi uurong ang kaalaman ng ating mga mag-aaral dahil palalalain nito ang krisis natin sa edukasyon,” pahayag ni Gatchalian.

Batay sa policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nawalan ng 20 araw ng pagtuturo ang isang karaniwang pampublikong elementarya noong School Year 2025-2026 dahil sa mga suspensyon ng klase na dulot ng iba’t ibang panganib.

Natuklasan din sa pag-aaral na sa bawat araw na nasususpinde ang klase, katumbas ito ng pagkawala ng humigit-kumulang 1.4 araw na progreso sa pagbasa ng mga mag-aaral.

Kamakailan, inilunsad ng DepEd ang 4H Framework na magsisilbing gabay sa pagsususpinde ng mga aktibidad sa pagkatuto sa gitna ng banta ng El Niño.

Sa ilalim ng framework, sususpindihin ang lahat ng physical at home-based learning activities kapag umabot sa 42 degrees Celsius o mas mataas ang heat index.

(DANG SAMSON-GARCIA)

73

Related posts

Leave a Comment