ABU DHABI, UAE — Isinusulong ni Senate Committee on Energy Chairman Senator Erwin Tulfo ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE), sa pamamagitan ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC), para sa pagtatayo ng malaking imbakan ng langis na magsisilbing regional oil hub.
Layunin ng proyekto na patatagin ang suplay ng langis at kuryente sa bansa at makatulong na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at kuryente sa mga mamimili.
Sa bilateral discussions noong Oktubre 29, ipinahayag ng delegasyon ng Pilipinas, sa pangunguna ni Tulfo kasama sina Philippine Ambassador to UAE H.E. Alfonso Ver at Special Envoy Kathryna Yu-Pimentel, ang posibilidad na maisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng dalawang pamahalaan at mga pribadong kompanya.
“Pinapabilis natin ang pagtatayo ng imbakan ng langis dahil malaki ang maitutulong nito sa mga Pilipinong nahihirapan tuwing nagmamahal ang presyo ng petrolyo at kuryente dahil sa wala talaga kami masyadong access sa suplay,” pahayag ni Tulfo sa mga kinatawan ng UAE.
Nagpahayag naman ng pagsang-ayon sa panukala ang panig ng UAE, sa pangunguna ni ADNOC Chairman Sultan Ahmed Al Jaber.
Ayon sa ADNOC, kasalukuyan silang nagsusuplay sa Petron ng humigit-kumulang 40,000 bariles ng langis kada araw at maaari pa itong madagdagan kapag naitayo na ang oil storage facility.
Handa rin umano ang UAE na ipagpatuloy ang mga pag-uusap at magpadala ng sample contract na maaaring pag-aralan ng pamahalaan ng Pilipinas.
Target na simulan ang proyekto sa ikalawang bahagi ng 2027, matapos mapagkasunduan ang eksaktong lokasyon, gastusin at iba pang detalye.
Bukod sa imbakan ng langis, maaari rin itong maging daan para sa mas malawak na kooperasyon sa sektor ng enerhiya, kabilang ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa langis, kuryente at renewable energy.
Binigyang-diin ni Tulfo na bagama’t pinag-aaralan pa ang kabuuang plano, gagawin niya ang lahat upang maisakatuparan ang proyekto at matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng enerhiya sa Pilipinas.
89 