UMABOT sa 22 public utility vehicle (PUV) driver ang nagpositibo sa paunang resulta ng sorpresang drug testing na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa 1,213 driver at konduktor sa Zamboanga Peninsula bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng Undas.
Kabilang sa mga sumailalim sa pagsusuri ang mga tricycle driver, jeepney driver, bus driver, van driver at konduktor sa ilalim ng Oplan Harabas ng PDEA Regional Office IX (PDEA-RO9).
Sa kabuuang 22 nagpositibo, 17 ang tricycle driver, tatlo ang jeepney driver, isa ang bus driver at isa ang van driver.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Zamboanga City na may 10, sinundan ng Zamboanga del Sur na may lima, Zamboanga del Norte na may apat at Zamboanga Sibugay na may tatlo.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP), mga lokal na anti-drug abuse council, pamunuan ng mga bus terminal at Rural Transit Mindanao Inc.
Ayon sa PDEA-RO9, sasailalim pa sa laboratory confirmatory testing ang mga paunang positibong resulta. Pansamantala namang kinumpiska ng LTO ang mga lisensya ng mga driver habang hinihintay ang opisyal na resulta.
Ang mga driver na makukumpirmang positibo sa ilegal na droga ay ire-refer sa kani-kanilang local anti-drug abuse council para sa kaukulang rehabilitation at intervention programs.
Bukod sa drug testing, nagpakalat din ang PDEA ng mga K-9 unit upang inspeksyunin ang mga bagahe ng mga pasahero sa mga pangunahing terminal at maiwasan ang pagdadala ng ilegal na droga sa mga ruta ng transportasyon.
Namahagi rin ang mga awtoridad ng information, education and communication materials upang mapalawak ang kaalaman ng mga commuter tungkol sa pag-iwas sa ilegal na droga.
Pinapurihan ni PDEA-RO9 Regional Director Bryan Babang ang kooperasyon ng mga katuwang na ahensiya, lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagsasagawa ng operasyon.
Ayon sa PDEA-RO9, regular na ipagpapatuloy ang Oplan Harabas sa buong rehiyon upang matiyak ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan ng publiko.
(JESSE RUIZ)
135 