PHILIPPINE ARMY, NAGBIGAY-PUGAY SA MGA NASAWING BAYANI SA PAGGUNITA NG UNDAS 2026

Nagbigay-pugay si Department of National Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. sa mga nasawing bayani sa pamamagitan ng pagsaludo sa seremonya ng paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Taguig City, noong Oktubre 31, 2026. (Larawan: Cpl. Rodgen V. Quirante PA/PAO, PA)

BILANG paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa, nagbigay-pugay ang Philippine Army (PA) sa mga sundalong nagbuwis ng buhay sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin sa pamamagitan ng seremonya sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Nakipagtulungan ang Hukbong Katihan sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan upang parangalan ang mga nasawing bayani sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga korona ng bulaklak, pagsisindi ng mga kandila at paglalagay ng maliliit na watawat.

Sa seremonya, sabay-sabay na nagsindi ng kandila at naglagay ng mga watawat ang mga kalahok bilang pagpupugay sa mga sundalo, bayani, Pambansang Alagad ng Sining, siyentista at dating pangulo ng Pilipinas na nakahimlay sa nasabing sementeryo.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Department of National Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang kabayanihan ng mga hindi nakikilalang sundalo na nasawi sa mga labanan ngunit hindi na natukoy ang pagkakakilanlan dahil sa mga pangyayaring nakapalibot sa kanilang pagkamatay.

Samantala, tinatayang 200 nakaunipormeng tauhan mula sa mga nakatalagang yunit ng Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Marine Corps, Philippine Air Force, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at lokal na pamahalaan ng Taguig City ang itinalaga upang palakasin ang seguridad sa LNMB mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, 2026.

Batay sa tala noong Oktubre 29, 2026, nasa 54,568 labi ang nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon sa Grave Services Unit ng Philippine Army Support Command, tinatayang 90,000 katao ang inaasahang bibisita sa LNMB noong nakaraang taon, ngunit umabot sa 99,233 ang aktuwal na bilang ng mga dumalaw.

Para sa taong ito, inaasahang tataas pa sa 100,000 ang bilang ng mga bibisita sa nasabing sementeryo.

Sa pangunguna ni Philippine Army Support Command Commanding General Lt. Gen. Donald M. Gumiran, nakiisa ang buong Philippine Army sa bansa sa pag-alala at pagbibigay-pugay sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa mamamayan at bayan.

(JESSE RUIZ)

75

Related posts

Leave a Comment