(BERNARD TAGUINOD)
DAIG pa ng mga lider-estudyante na nagpapatakbo sa kanilang Student Council ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala itong foresight at puro kapalpakan ang ginagawa.
Ganito inilarawan ni ACT party-list Rep. France Castro ang gobyerno ni Duterte na pinatatakbo aniya ng mga batikang abogado at mga dating heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
“Walang foresight. Buti pa ang Student Council nagpaplano agad at yung timeframe mas kalkulado,” pahayag ni Castro sa panayam ng SAKSI Ngayon.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa pagbawi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa COVID-19 vaccines na ipinadala sa mga Local Government Unit (LGU) sa labas ng Metro Manila.
Ang desisyong ito ni Duque ay kasunod ng pagdami ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
“Not a well thought decision. Kaya yan ang sinasabi ng region na NCR centric ang mga desisyon. Hindi sumusunod sa sarili nilang guidelines ang IATF (Inter-Agency Task Force),” ayon pa sa mambabatas.
Kung Student Council aniya ang nagpapatakbo sa gobyerno lalo na sa IATF, malamang na hindi mararanasan ng mga Pilipino ang ganito kalaking problema dahil hindi nag-iisip ang pamahalaan at walang foresight sa mga nangyayari.
Malamang din umano na nakabili na ang Student Council ng bakuna kung sila ang ang nagpatakbo sa IATF dahil may pondo na ang mga ito, bagay na hindi nagawa ng gobyerno ni Duterte kahit umaabot na sa P127 billion ang kanilang inutang mula noong Mayo 2020 para pambili ng COVID-19 vaccines para sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino.
“Napakalaki ng perang inutang nila pero wala pang bakuna. Puro donasyon ang dumating sa atin. Nasaan ang pera? Saan nila ginastos ang pera?,” ayon pa kay Castro.
Bukod sa nasabing halaga ay gumastos na ng P568 billion ang gobyerno mula Marso 2020 para labanan ang pandemya subalit imbes na humupa ay lumalala ang problema dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 kung saan noong Biyernes ay nakapagtala ng 7,999 ang DOH.
Samantala, matapos batikusin, kumambyo ang pamahalaan at sinabing hindi na babawiin ang mga naipadalang bakuna sa mga lalawigan.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., mahirap na itong gawin dahil kailangang maingat ang pagbiyahe sa mga bakuna.
Kakausapin ni Galvez si Duque para irekomendang gamitin ang AstraZeneca vaccines na unang inilaan bilang second dose sa mga nabakunahang health workers, bilang unang dose sa mga hindi pa nabakunahan.
Maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay tiniyak na hindi na babawiin ang mga naipadalang bakuna.
182 