ISANG GUIDANCE COUNSELOR ASSOCIATE SA BAWAT 500 ESTUDYANTE, KAILANGAN—EDCOM2

SINABI ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) na kailangan ng kahit isang guidance counselor associate sa bawat 500 estudyante upang masubaybayan ang kanilang kapakanan at matugunan agad ang mga problema sa kanilang well-being.

Sa isang panayam, sinabi ni EDCOM2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee na kabilang ito sa mga rekomendasyon ng komisyon kasunod ng tumitinding usapin tungkol sa kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante, lalo na matapos ang school shooting sa Zamboanga City.

“There are 47,000 schools nationwide, so we would need at least one guidance counselor associate for each school, meaning we still need funding for 37,000 more guidance counselor associates. Ideally, however, one guidance counselor associate is needed for every 500 students,” ani Yee.

Batay sa opisyal na datos, nasa 26 milyon ang enrollees sa School Year 2026-2027.

Ayon kay Yee, kailangang magkaroon ang mga paaralan ng early warning systems upang masubaybayan ang well-being ng mga estudyante at makapagbigay ng napapanahong suporta.

Tinukoy din niya ang bullying bilang isa sa mga posibleng sanhi ng school violence.

“We need to make sure that such violence or incidents are prevented before they even happen in our schools,” ani Yee.

Batay sa inisyal na impormasyon, nakapasok ang gunman sa Ateneo de Zamboanga University na may dalang high-powered firearm at .45 pistol.

Dalawang estudyante ang nasawi sa pamamaril, kabilang ang gunman.

Samantala, natuklasan sa pag-aaral ng EDCOM2 na nananatiling “bullying capital of the world” ang Pilipinas, kung saan halos dalawa sa bawat tatlong Grade 5 students ang napaulat na nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses kada buwan.

Ang panawagan para sa mas matibay na support system para sa mga estudyante ay umani rin ng suporta mula sa mga lider ng Simbahang Katoliko.

Kasunod ng nakamamatay na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga, nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa publiko na lumikha ng mga ligtas na lugar para sa mga kabataang may mga problemang tahimik nilang dinadala.

Sa kanyang mensahe nitong Biyernes, Agosto 21, nakiisa si Cardinal Advincula sa mga pamilya at biktima ng pamamaril sa Zamboanga City noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Binigyang-diin ni Cardinal Advincula na ang karahasan sa paaralan ay hindi lamang nagdudulot ng pisikal na pinsala kundi nakasisira rin sa pakiramdam ng kaligtasan at tiwala sa loob ng mga paaralan.

Nanawagan ang Arsobispo ng Maynila sa publiko na tumulong sa pagbuo ng mga lugar para sa kabataan kung saan maaari silang maging bukas at magsabi ng kanilang mga pinagdaraanan, lalo na sa mga problemang karaniwan nilang inililihim.

Hinikayat din ni Cardinal Advincula ang publiko na lumapit sa panalangin, ngunit sinabi niyang dapat itong humantong sa nagkakaisang pagkilos upang palakasin ang kultura ng malasakit, habag, diyalogo at paggabay.
Bilang pakikiisa, inialay niya ang kanyang mga panalangin para sa paggaling at kaaliwan ng komunidad ng Ateneo de Zamboanga.

(CHRISTIAN DALE)

72

Related posts

Leave a Comment