NAGHATID ng pagkain, inuming tubig at grocery packs ang emergency response team ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga lugar sa Pampanga na patuloy na lubog sa baha nitong Setyembre 4 at 5, 2026.
Bumisita ang team sa mga bayan ng Candaba at Macabebe noong Biyernes bago nagtungo sa Apalit, Sasmuan, Bacolor at San Fernando City noong Sabado.
Umabot sa mahigit 1,100 katao ang natulungan, kabilang ang mga evacuee, tindero, tsuper, senior citizen, boat operator, rescuer at iba pang manggagawa.
Sa Barangay San Agustin sa Candaba, libu-libong pamilya ang naapektuhan ng pinakamalaking baha ngayong taon, ayon sa mga lokal na opisyal. Isang bahay ang gumuho dahil sa erosion ngunit ligtas naman ang pamilya.
Ayon kay Barangay Chairperson Billy Pamintuan, ang tubig-baha mula Bulacan at Nueva Ecija ay dumadaloy patungo sa Candaba at bumabaha sa Candaba Swamp. Iisang creek lamang umano ang nagdadala ng tubig mula San Agustin patungo sa Pampanga River.
Nakaapekto rin sa kabuhayan ang matagal nang pagbaha dahil napipilitan ang ilang magsasaka na mangisda habang lubog sa tubig ang kanilang mga sakahan.
Sa Barangay Paligui, nakipagkita ang team sa mga tindero ng isda at boat operator, kabilang ang mga tricycle driver na napipilitang maging boat operator kapag hindi na madaanan ang mga kalsada.
Sa Macabebe, namahagi ang team ng 300 grocery packs at 300 anim na litrong lalagyan ng tubig sa mga apektadong pamilya, boat operator, rescuer at volunteer.
Dahil sa baha, tatlong linggo nang hindi natutuloy ang face-to-face classes sa ilang lugar kaya napilitang lumipat ang mga paaralan sa alternative learning.
Kinabukasan, naghatid ang team ng mainit na pagkain at bottled water sa mahigit 350 evacuee sa Barangays San Juan at San Vicente sa Apalit. Ilan sa mga evacuee ay dalawa hanggang tatlong linggo nang lumikas.
Sa Barangay San Juan, hanggang leeg ang baha kaya napilitang lumikas ang mga residenteng malapit sa creek sa Northville Site. Ayon sa mga residente, maaaring umabot ng dalawang buwan bago tuluyang humupa ang tubig.
“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa pagmamalasakit ninyo sa aming mga kabarangay. Malaking tulong po itong mga napadala ninyong food packs para sa aming evacuees dito,” pahayag ni San Vicente Barangay Chairperson Wilfredo Danting.
Sa Barangay Cabalantian, Bacolor, isang buwan nang suspendido ang face-to-face classes dahil sa baha. Namahagi ang team ng grocery packs at bigas sa mga residente noong Setyembre 5.
Sa Sasmuan, namahagi rin ng mainit na pagkain, bottled water at grocery packs sa mga apektadong pamilya at boat operator sa pamamagitan ni Vice Mayor Jhun Tamayo.
“Maraming-maraming salamat po sa tulong na inyong ipinaabot sa aming mga kababayan doon po sa coastal. Malakas po ang ulan ngayon at malaki ang alon,” ani Tamayo.
Sa San Fernando City, namahagi rin ang team ng grocery packs sa mga delivery rider, barker, senior citizen at pump attendant.
Sa kanilang pagbisita, naitala ng team ang mga pangangailangan ng mga komunidad, kabilang ang rescue boats, malinis na inuming tubig, evacuation facilities, protective clothing, drainage improvements, road at housing rehabilitation at livelihood assistance para sa mga apektadong manggagawa.
Bukod sa pagpapatakbo ng emergency response initiative ng kanyang tanggapan, matagal nang isinusulong ni Cayetano ang pagtatatag ng permanenteng Emergency Response Department na mamamahala sa disaster preparedness, response at long-term rehabilitation. Muli niya itong inihain bilang Senate Bill No. 105 noong Hulyo 2025.
Kamakailan, binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangan ng isang pambansang dialogue kung paano gagawing “as flood-free as possible” ang bansa.
Aniya, kailangang tugunan kapwa ang mga praktikal na dahilan ng paulit-ulit na pagbaha, gaya ng mahinang urban planning at mabilis na urbanization, at ang kawalan ng tamang pagpapahalaga, lalo na ang integridad, na aniya’y pumipigil sa tunay na pagbabago at nagbibigay-daan sa korapsyon sa mga flood control project.
71 