NAIS ni Senador Win Gatchalian na magsagawa ang Senado ng pagdinig sa naging epekto ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID 19 pandemic at alamin ang mga hakbang tungo sa pagbangon ng sektor ng edukasyon.
Sa kanyang Senate Resolution No. 11, nais ng ng mambabatas na matukoy at matugunan ang naging mga hamon sa mga programa ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatuloy ng edukasyon.
Sinabi ni Gatchalianna bagama’t pinagsikapan ng DepEd na tugunan ang naging epekto ng pandemya, patuloy na hinarap ng basic education sector ang mga suliranin tulad ng pag-urong ng kaalaman at pinsala sa ekonomiya.
Ito anya ay mga bagay na lalong nagpapalala sa dati nang “poor performance” ng mga mag-aaral bago pa tumama ang pandemya.
Sa isang ulat ng UNESCO, UNICEF, at ng World Bank, ang learning poverty sa bansa bago pa tumama ang pandemya ay umabot na sa 90.5%.
Tinaya naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang isang taong pagsasara ng mga paaralan ay may katumbas na halos P10.7 trilyong productivity at income loss sa susunod na 40 taon.
Iginiit ni Gatchalian na ang patuloy na pag-antala ng COVID-19 sa edukasyon ay magdudulot ng matinding pinsala sa mga mag-aaral tulad ng pagkawala ng basic numeracy at literacy skills, dagok sa mental health, kakulangan ng sapat na nutrisyon, at mas mataas na panganib na dumanas ng pang-aabuso.
“Upang matiyak natin ang pagbangon ng sektor ng edukasyon, nais nating suriin at maunawaan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Kasunod nito ang pagpapatupad natin ng mga hakbang upang hindi mapag-iwanan ang ating mga mag-aaral,” diin ni Gatchalian.(Dang Samson-Garcia)
304 