ERWIN TULFO, NAALARMA SA P17-B BUDGET HIKE PARA SA FARM-TO-MARKET ROADS NA INAPRUBAHAN SA BICAM

NAGPAHAYAG si Senador Erwin Tulfo ng pag-aalinlangan sa P33 bilyong pondo para sa Farm-to-Market Roads (FMR) sa 2026 o P17 bilyong dagdag mula sa orihinal na mungkahi sa National Expenditure Program (NEP) dahil sa kawalan ng katiyakan na maayos itong maipatutupad.

“Mayroon din akong pag-aalinlangan dito dahil P33 bilyon ito. Napakalaking halaga nito. Bagaman alam kong kailangan ito ng ating mga magsasaka, ang problema ay baka isipin ng publiko na inalis natin ang mga flood control projects, pero pinalitan naman namin ng farm-to-market roads,” pahayag ni Tulfo sa unang araw ng pagpupulong ng Bicameral Conference Committee (Bicam) para sa 2026 Budget Law.

“Ang mga Pilipinong nanonood sa atin ngayon ay hindi maiiwasang mag-isip na baka magkaroon ng problema dito. Na ang mga isyu sa flood control ay lilipat lamang sa farm-to-market roads,” dagdag ng Senate Finance Panel Vice Chairperson.

Ipinunto rin ni Senador Pia Cayetano na ang badyet para sa FMRs sa 2026 ay maaaring umabot pa sa P43 bilyon dahil sa P11 bilyong unreleased funds mula 2025.

“Napakarami niyan. At dapat nating tandaan na ang halagang ito ay [orihinal na] humigit-kumulang P16 bilyon. Ito ay halos times three… Nagtataka ako na ang masterplan ay hindi pa nabubuo,” saad ni Cayetano.

Nilinaw naman ni House Appropriations Panel Chairman Mika Suansing na komprehensibo na ang masterplan ngunit hindi pa kasama ang ilang malalayong lugar.

Sa panig niya, idiniin ni Senador Loren Legarda: “Kailangan ang mga FMR ngunit hindi dapat ipamahagi batay sa Congressional Districts kundi dapat ipamahagi o ipatupad ayon sa pangangailangan ng lugar, batay sa populasyon, lawak ng lupa, at iba pa, at hindi sa pamamagitan ng mga politically divided districts.”

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo para sa katiyakan na ang safety measures ay naisasakatuparan nang tama. “Kapag sinabi nating may mga safety measures o guards na nakalagay, [nangangahulugan] na ito ay ipapatupad nang maayos. P33 bilyon, Mr. Chair, hindi iyan biro. Malaking halaga iyan ng pera. Wala tayong flood control projects sa badyet ng 2026 at baka sabihin ng mga tao: ‘Baka nakakita na naman ang mga mambabatas na ito ng ibang paraan para makakuha ng badyet.'”

76

Related posts

Leave a Comment